Environment groups, suportado ang franchise renewal ng Kapamilya
MANILA, Philippines — Nakaka-windang ang mga pangyayari sa pali-paligid ngayon.
Bukod sa patuloy na pagluluksa ng buong mundo sa naganap na helicopter crash ni Kobe Bryant at anak niyang si Gianna at iba pa nilang kasama, parang matindi rin ang magiging court battle ng Viva Group at ni Nadine Lustre.
Nandiyan din ang issue kay Sharon Cuneta na ayon sa source ng Take It… Per Minute! (Me Ganun) ay kapamilya niya pala ang gumawa sa kanya ng matinding panloloko.
Hindi pa rin nase-settle, ang issue sa mag-inang Sharon at KC Concepcion.
Siyempre andiyan pa rin ang issue ng renewal of franchise ng ABS-CBN na ayon sa isang insider ng network ay ang pinaka-bagong nagpahayag ng suporta sa kanila ay ang Green Thumb Coalition (GTC), kasabay ng pagdami ng mga naghahain ng bill sa Kamara para rito.
Nabasa ko sa isang pahayag na sinabi ng grupo—na binubuo ng mahigit 40 organisasyong nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan—na kaya suportado nila ang nasabing franchise renewal ay dahil malaki ang naitutulong ng network sa paghahatid ng mga importanteng balita tungkol sa kalikasan at dahilan ng pagkasira nito. Pinuri rin ng GTC ang pagpapakilala ng network sa mayamang biodiversity ng bansa, gayundin ang pagbibigay-pansin nito sa mga masasamang epekto ng large-scale mining, pagdami ng mga coal plant, land conversion, at deforestation. Hindi rin daw dapat makalimutan ang pangunguna ng yumaong si Gina Lopez sa pagbuo ng mga programa gaya ng Bantay Bata 163, Sagip Kapamilya, Bantay Kalikasan, na hanggang ngayon ay marami pa ring natutulungan.
Anyway, nauna nang naghain ang Makabayan bloc ng bill para sa franchise renewal ng ABS-CBN nitong Lunes. Pinangunahan nina Rep. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ng Bayan Muna, France Castro ng ACT Teachers, Arlene Brosas ng Gabriela, at Sarah Elago ng Kabataan ang House Bill 6052, ang ikasiyam na bill na naglalayong mabigyan muli ng 25-taon prangkisa ang kompanya.
Sa March 20, 2020 naka-schedule ma-expire ang franchise ng Kapamilya Network.
- Latest