Standing ovation: Marcelito Pomoy napa-wow ang 'America's Got Talent' judges

"That is what I call a 10. As simple as that," sabi ng hurado na si Simon Cowell, na notorious sa pagiging mahirap pahangain.
Video grab mula sa Youtube channel ng "America's Got Talent"

MANILA, Philippines — Napanganga sa paghanga ang mga hurado ng "America's Got Talent: The Champions" sa Pilipinong mang-aawit na si Marcelito Pomoy sa kanyang kakaibang rendition ng awiting "The Prayer" sa kanilang patimpalak.

Hindi na kasi kinailangan ni Pomoy ng ka-duet sa matataas na bahagi ng kanta — siya rin kasi ang kumanta ng pang-babaeng parte.

"That is what I call a 10. As simple as that," sabi ng hurado na si Simon Cowell, na notorious sa pagiging mahirap pahangain.

"You are so unique. You are a beautiful wonderful singer with a young woman trapped inside of you," sabi ni Howie Mandel.

Tinawag namang "out of this world" ni Heidi Klum ang boses at range ng Filipino singer, na kayang abutin ang napakabababa at matataas na nota. 

Pati ang komedyanteng si Terry Crews, na nanunuod backstage, manghang-mangha sa narinig: "I was not expecting that voice."

 

 

Muntikan pang pindutin ni Mandel ang golden buzzer upang awtomatikong maipadala si Marcelito sa live shows, ngunit napigilan lang dahil masyado pa raw maaga ang gabi nang magtanghal si Pomoy.

Bagama't 'di niya nakuha ang golden buzzer, nagtitiwala naman daw si Simon na iboboto siya ng "super fans" upang makaabot sa susunod na round.

Bago sumabak doon, kilala si Pomoy sa pagiging ikalawang kampeon ng "Pilipinas Got Talent" taong 2011.

Matatandaang naging guest na rin sa tanyag na "The Ellen DeGeneres Show" si Marcelito noong 2018 nang kantahin niya ang parehong bahagi ng "Beauty and the Beast."

Show comments