Aktor, balik sa siniraang istasyon

Kinain ng aktor ang kanyang sinabi sa mga kaibigang reporter na hindi na siya babalik sa dating network na nag-build up sa kanya at kung saan niya ginawa ang shows na naging daan para siya’y makilala. Parang hate na hate ng aktor ang iniwang network na para bang walang naitulong sa kanyang career.

Kaya laking gulat ng mga reporter nang makita ang aktor sa storycon ng isang teleserye sa dating network. Nang makausap ang aktor sa presscon ng show na kasama siya at ipaalala ang sinabing hindi na siya babalik sa dating network, natawa na lang ito at sinabing kalimutan na raw ang sinabi niya.

No choice ang aktor kundi bumalik sa pinagtrabahuhang dating network dahil sa nilipatang network, hindi rin natupad ang ipinangako sa kanyang bibigyan siya ng lead role. Puro supporting roles ang ginawa niya at walang role at karakter ang nagmarka sa televiewers.

Direk Mikhail hina-handle na ng international agency, kahanay na ng mga Hollywood director

Nabasa namin sa Esquire ang balitang “Mikhail Red signs with major Hollywood Agency” at sa patuloy naming pagbasa sa item, nakasulat ang “Red’s management company 3Arts Entertainment has announced the millennial filmmaker was picked up by Paradigm Talent Agency.”

Kabilang sa mga director  na nire-represent ng Paradigm sina James Wan (Saw, The Conju­ring, Aquaman), David Sandbeg (Lights Out, Shazam) at Joko Anwar (director of HBO’s Halfworlds), kaya masasabing kaliga na ni director Mikhail Red ang mga nabanggit na foreign directors.

Anyway, showing sa January 22, ang zombie movie ni director Mikhail na Block Z na nagpagulat sa amin nang mapanood ang teaser. To think na hindi pa actual teaser ng movie ang napanood namin, kundi plugging ng promo na tinawag na Block Z Run Together, kaloka, ang wagas ng gulat namin.

Siguro naman, magpo-promote na magkasama sina Joshua Garcia at Julia Barretto dahil pelikula nila ang Block Z.

Zoren at Mylene nadadalas ang pagtatambal

Mag-asawa ang role nina Zoren Legaspi at Mylene Dizon sa primetime series ng GMA 7 na Bilangin ang Bituin sa Langit. Matatandaan na magkarelasyon din ang role nila sa Sahaya bilang sila ang mga magulang ni Sahaya (Bianca Umali). Ibig bang sabihin nito, may chemistry sina Zoren at Mylene? Kung pareho lang single ang dalawa, tiyak na may magsi-ship sa kanilang tambalan.

Sa Bilangin ang Bituin sa Langit, sina Zoren at Mylene naman ang parents ni Kyline Alcantara na starstruck sa kanyang mga kasama. Kay Nora Aunor, na-starstruck na si Kyline nang makasabay sa elevator at kinilig siya sa sinabi nitong maganda ang kanyang mga mata, lalo na siguro ‘pag naka-eksena na niya ito.

Ang payo kay Kyline ng mga Noranians, ‘pag magka-eksena sila ni Nora, ‘wag siyang titingin sa mga mata nito dahil baka matulala siya at hindi na makaarte. Problema ito ni Kyline dahil paano nga naman kung sa eksena, kailangan niyang makipag-usap kay Nora?

Kasama rin pala sa cast sina Dante Rivero at Ricky Davao na kundi kami nagkakamali, gaganap na asawa ni Nora pero mamamatay. Hindi kailangang magtagal ng role ni Ricky sa Bilangin ang Bituin sa Langit dahil director siya ng Seed of Love. Baka mangarag si direk Ricky kung maglalagare bilang artista at director.

Show comments