2020 na... pagiging no. 1 sa survey ng ABS-CBN at GMA, walang pagbabago
Bagong Taon, 2020 na, pero ang salpukan ng mga programa ng ABS-CBN at GMA na parehong base sa survey ay No.1 network, tuluy-tuloy lang.
Magkaiba ang provider nila ng survey, ang Kantar Media ang sa ABS-CBN at Nielsen ang GMA 7, at base nga sa mga result ng survey nila, parehong no. 1 ang dalawang network.
Kaya nga ang ibang TV network, No. 2 lang ang pinaglalabanan.
Sa latest survey result ng Kantar Media, siyam na puwesto sa listahan ng most watched TV programs ang nakuha ng ABS-CBN shows, kung saan ang FPJ’s Ang Probinsyano (36.9%) ang nangunguna. Kasunod nito ang The Voice Kids (33.5%) at The General’s Daughter (31.5%), ayon sa datos ng Kantar Media.
Kabilang din sa listahan ng most watched ang World of Dance Philippines (31.4%), Search for the Idol Philippines (29.1%), Ngayon at Kailanman (28.7%), Parasite Island (28.6%), TV Patrol (28.2%), and Starla (26.6%).
Ayon pa sa Kantar Media, ang Kapamilya network ang pinakapinanood sa bawat sulok ng bansa.
Sa Mega Manila, nagtala diumano ito ng average audience share na 36%, kontra sa 31% ng GMA, pati na sa Metro Manila sa pagrehistro nito ng 42%, laban sa 25% ng GMA. Nanguna rin daw ang ABS-CBN sa Total Luzon sa pagtala nito ng 40%, kumpara sa 33% ng GMA; sa Total Visayas sa pagkamit nito ng 54%, kontra sa 24% ng GMA; at sa Total Mindanao sa pagrehistro nito ng 51%, laban sa 28% ng GMA.
Tinutukan din ang ABS-CBN sa bawat time blocks noong 2019 ayon pa sa Kantar, lalo na sa primetime block sa pagtala nito ng 47%, kumpara sa 31% ng GMA.
Panalo rin diumano ang Kapamilya network mula Enero hangang Disyembre sa morning block (6AM-12NN) sa pagrehistro nito ng average audience share na 37%, kontra sa 28% ng GMA; sa noontime block (12NN-3PM) sa pagkamit nito ng 44%, kontra sa 31% ng GMA; at sa afternoon block (3PM-6PM) sa pagkuha nito ng 46%, at tinalo ang 32% ng GMA base pa rin sa survey ng Kanta Media.
Mas marami naman diumanong GMA shows ang pasok sa listahan ng top 30 programs base sa ratings data ng Nielsen TV Audience Measurement.
Ayon sa Neilsen, sa Urban Luzon, hindi natinag bilang most-watched show ang award-winning magazine program na Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) at ito rin daw ang nangunang programa nationwide noong 2019.
Pasok din sa listahan ng survey ng Neilsen ang top programs ng GMA sa Urban Luzon ang Onanay, Sahaya, 24 Oras, Kara Mia, Cain at Abel, Magpakailanman, Daddy’s Gurl, at Pepito Manaloto.
Kabilang din diumano sa listahan ang mga pumatok nila sa primetime shows ang The Gift, TODA One I Love, The Clash, Beautiful Justice, StarStruck, Daig Kayo ng Lola Ko, One of the Baes, The Better Woman, at Love You Two.
Ayon pa sa report ng Neilsen, mula January hanggang December (kung saan base sa overnight data ang December 22 hanggang 31) sa Urban Luzon, kinabog ng 35.5 percent total day people audience share ng GMA ang 30.4 percent ng ABS-CBN.
Sa Mega Manila naman, base sa January to December 21 official data, nakakuha diumano ang GMA ng 36.6 percent na malayo kumpara sa 28 percent ng ABS-CBN.
Para naman sa buwan ng December 2019, mayroong 33.7 percent ang GMA sa Urban Luzon laban sa 28 percent lang ABS-CBN.
Ang Urban Luzon at Mega Manila ay bumubuo sa 72 at 60 percent ng urban viewers sa bansa.
So kayo na lang ang humusga kung ano ba talaga ang tunay na resulta.
Minsan na ba kayong natanong sa kanilang mga survey?
- Latest