Para kay Albie Casiño ay maituturing niyang hindi na siya bata ngayong nagsimula na ang bagong dekada. Dalawampu’t anim na taong gulang na ang aktor kaya hanggang maaari ay magiging responsable na raw siya sa buhay. “Kumbaga hindi na kami bata ng mga kaibigan ko. To be honest, itong 2020, ito ‘yung decade na ang mga kaibigan ko, magpapakasal na kami, magkakaanak na ‘yung mga ka-batch ko. So parang it’s coming to a point na I’m really becoming an adult. ‘Yung hindi na ako bata, grown up na ako. I live on my own, I cook my own food, I do my own laundry,” paliwanag ni Albie.
Nakahanda na kayang makipagsabayan ang aktor sa pag-aasawa at pagbuo ng sariling pamilya sa kanyang mga kaibigan? “Huwag natin munang pag-usapan ang tungkol diyan. Actually, very, very good naman sa akin ang 2019 dahil sa Los Bastardos. Ending lang ng 2019 ang medyo pangit sa akin. Secret, basta ayoko lang pag-usapan. Basta huwag na nating pag-usapan,” makahulugang sagot ng binata.
Juday, may pressure gumanap na mother lily
Ngayon pa lamang ay nakararamdam na ng pressure si Judy Ann Santos sa gagawing pelikula tungkol sa buhay ni Mother Lily Monteverde. Ang Young Superstar ang gaganap bilang si Mother Lily kaya aminadong kabado sa inaabangang biopic. “I’m super pressured and super tensed because she is Mother Lily and sino bang hindi nakakakilala sa kanya,” bungad ni Judy Ann.
Bilang paghahanda sa bagong proyekto ay kinailangan pa raw na magtanung-tanong ng aktres sa mga taong malapit sa beteranang movie producer para magampanan nang maayos ang role. Ang anak ni Mother Lily na si Dondon Monteverde at ang direktor na si Erik Matti ang personal na kumausap kay Juday upang gumanap bilang si Mother Lily. “When Dondon and Erik Matti told me that Mother Lily chose me to play her, as the young Mother Lily, siyempre natuwa naman ako pero ang una kong tanong, ‘Bakit po ako?’” nakangiting kwento ni Juday.
Samantala, bukas ay magtatapos na ang teleseryeng Starla na pinagbibidahan ng aktres. Masayang-masaya si Juday dahil kahit sa maikling panahon na umere ang naturang programa ay makapag-iiwan naman daw sila ng magagandang alaala sa mga manonood. “Mas happy kasi alam mong nakapag-impart ka ng magandang values sa mga tao. Nabuhay ‘yung hope sa kanila, sa mga bata,” giit ng aktres.
Ayon kay Juday ay siguradong hahanap-hanapin niya ang mga nakatrabaho sa Starla dahil naging maganda ang samahan nila sa taping sa loob ng isang taon. “Of course, nakapag-build kayo ng relationship, naging family na kayo sa isa’t isa,” pagtatapos niya.(Reports from JCC)