ABS-CBN iimbestigahan si Jobert Sucaldito sa 'insensitibong' komento kay Nadine Lustre

Kaugnay ito ng sinabi ni Jobert sa programa niya sa DZMM na sana'y "tumalon na lang" si Nadine mula sa gusali kaysa magpose sa balkonahe na may malulungkot na caption, na patunay daw ng hiwalayan nila ni James Reid.
Mula sa Facebook account ni Jobert Sucaldito

MANILA, Philippines (Updated 5:22 p.m.) — Kinumpirma ng news chief ng ABS-CBN ngayong Miyerkules na pinaiimbestigahan na nila ang DZMM Teleradyo showbiz host na si Jobert Sucaldito dahil sa kanyang diumano'y pahayag na sana'y mag-suicide na lang ang aktres na si Nadine Lustre.

"Iniimbestigahan namin ang mga ulat na nagbanggit ng mga 'di angkop at insensitibong komento ang DZMM host na si Jobert Sucaldito pagdating sa estado ng mental health ng aktres na si Nadine Lustre," sabi ni Ging Reyes sa Inggles sa kanyang paskil sa Twitter.

Aniya, sineseryoso ng kanilang istasyon ang isyu ng mental health at gumawa pa nga raw sila kamakailan ng dokumentaryo tungkol dito.

"Pananagutan ng aming mga mamamahayag at iba pang bahagi ng aming team ang mga sinasabi nila sa kanilang palatuntunan," dagdag niya.
 
Kaugnay ito ng sinabi ni Jobert sa programa niya sa DZMM na sana'y "tumalon na lang" si Nadine mula sa gusali kaysa magpose sa balkonahe na may malulungkot na caption, na patunay daw ng hiwalayan nila ni James Reid.

"Hindi ba 'yan naman 'yung gusto nila? Kuno-kuno may mga labas ang pwet, naka-t-back pa doon sa building, tapos may mga nakalagay na mga caption na parang gustong tumalon," ani Jobert.

"Sana tumalon na lang, kung ganoon naman din pala."

Tinutukoy ni Jobert ang mga Instagram posts ni Nadine, na ginamit ng ilan upang patunayang hiwalay na ang showbiz couple.

Sinabi 'yan ni Sucaldito habang ipinagtatanggol ang kolumnista ng The STAR na si Ricky Lo, na nanindigang hiwalay na sina Nadine at James.

Inungkat din ni Lo sa orihinal na bersyon ng kanyang artikulo na nag-iingat daw si James pagdating sa "hiwalayan" nila ni Nadine dahil sa binubunong mental illness, maliban sa pagbanggit sa pagkamatay ng kapatid ng aktres.

Una nang itinanggi ni Nadine ang isyung hiwalayan sa kanyang IG story at sinabing hindi na sana ginamit ni Lo ang masama nilang karanasan para patunayan ang nais.

"[W]alang totoo sa sinabi mo at hindi kailanman okey na gamitin ang mental situation/malagim na nakaraan ng tao para mag-prove ng point," dagdag niya.

'Suicide is not a joke'

Samantala, trending naman sa ngayon sa social media ang hashtag na #SuicideIsNotAJokeJobert sa pagpupuyos sa galit ng marami dahil sa mga pahayag ng entertainment host.

"Maaaring mag-suot ng suit ngayong 2020 si Nadine Lustre oras na magdesisyon siyang mag-sampa ng libelo laban kay Jobert Sucaldito...'Yan ang OOTD na inaabangan ko," sabi ng Twitter user na si @tomflordeliza.

Si @jadinethoughts naman, sinabing 'wag gamitin ni Jobert ang "victim card" sa pinagdadaanang usapin: "Ikaw ang may kasalanan dito pero alam kong hindi ka hihingi ng paumanhin, dahil ang Jobert Sucaldito ay Jobert Sucaldito."

Ang ilang fans naman, hindi na napigilang hilingin na matanggal sa trabaho ang nabanggit na personahe.

Sorry ni Jobert

Samantala, naglabas na public apology si Sucaldito kay Nadine at kanyang istasyon kaugnay ng nangyari.

"Nais kong humingi ng tawad kay Bb. Nadine Lustre at sa mga nabahala noon sa aspetong ito," sabi ng anchor ng "Showbuzz."

"Humihingi rin ako ng dispensa sa aking radio network na DZMM dahil nailagay ko sila sa hindi kumpotableng posisyon."

Maaaring maabot ang National Center for Mental Health crisis hotline sa numerong 0917-899 8727 o 989-8727.

Show comments