SEEN: Ang Tala Nation ang itinapat kahapon ng ASAP sa pilot telecast ng All Out Sundays, ang bagong noontime musical variety show ng GMA 7. Tala Nation dahil ipinakita na isinasayaw ng ating mga kababayan sa Baguio, Ioilo, Cebu at sa ibang mga lugar sa Pilipinas ang Tala dance craze na hit song ni Sarah Geronimo noong 2015 na muling sumikat noong 2019.
SCENE: Agaw-pansin sa All Out Sundays si JD Domagoso, ang anak ni Manila City Mayor Isko Moreno. Tuwang-tuwa kay JD ang studio audience dahil memorized niya ang lahat ng mga kanta at dance steps kahit hindi siya kasali sa production number. Kitang-kita sa mga kilos ni JD ang kagustuhan nito na makilala bilang artista.
SEEN: Ginastusan ng GMA 7 ang set ng All Out Sundays na nagkaroon ng taping pagkatapos ng live broadcast kahapon.
SCENE: Mainstay ng All Out Sundays si Gabbi Garcia na dating cast member ng Sunday PinaSaya sa loob ng dalawa at kalahating taon.
SEEN: Ang “balance” ang itinuturing ni Miggy Tanchanco bilang challenge sa kanya bilang direktor ng All Out Sundays. Dating member si Miggy ng Universal Motion Dancers (UMD) pero nag-aral siya ng film at television directing na isang pangarap niya na natupad.
Pinatunayan ni Miggy na totoo ang kasabihan na kapag may tiyaga, may nilaga. Nang makatapos siya ng film directing course, nagpadala si Miggy ng kanyang resume sa GMA 7. Isang taon siya na naghintay at nagbunga ito dahil ipinagkatiwala sa kanya ng GMA 7 management ang Studio 7 at ngayon, ang All Out Sundays .
SCENE: Bumagay kay Miguel Tanfelix ang kanyang curly hairstyle na bahagi ng reinvention niya sa sarili ngayong 2020.
SEEN: Mainstay din si Christian Bautista ng All Out Sundays pero hindi pa siya nag-report sa show sa unang araw nito.