Pinakamalaking dance flash mob sa tv, magaganap sa ASAP natin ‘to

Sarah G.

Ngayong araw ay masasaksihan natin ang pinakamalaki at pinakaengrandeng dance flash mob na magaganap sa telebisyon. Pangu­ngunahan ni Sarah Geronimo ang pagsasayaw ng Tala sa ASAP Natin ‘To kasama ang mga netizens mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Matatandaang 2016 pa inilabas ng Popstar Royalty ang naturang hit song at ngayon nga ay patok na patok sa mamamayan at sa lahat ng netizens sa social media. Umabot na rin sa mahigit dalawampu’t pitong milyon ang views ng music video nito sa YouTube.

“Alam n’yo po in-envision ko siya na magi­ging dance craze itong kantang ito. Kasi gusto ko ma­ging vibe ng song na ito maging dance craze. Everybody was dancing to this song,” maikling pahayag ni Sarah.

Bilang panimulang selebrasyon sa ika-dalawampu’t limang anibersaryo ng ASAP Natin ‘To ay dapat pakaabangan ng mga tagahanga ang pagtatanghal nina Judy Ann Santos, Liza Soberano at Enrique Gil, Catriona Gray, Sharon Cuneta at marami pang iba. Bukod sa regular performers ng programa ay world class performance din ang ipamamalas nina Arnel Pineda, Marcelito Pomoy, Jovan Aquino, Jessica Reynoso, Apl.de.Ap, Jona, Morisette Amon, KZ Tan­dingan at Martin Nieverra. Tumutok na mga Kapamilya ngayong tanghali sa ABS-CBN, ASAP Natin ‘To.

Louise, adjusted na sa live in set up nila ng BF

Louise at BF

Nagsasama na ngayon sa isang bubong si Louise delos Reyes at ang kasintahan na isang arkitekto. Naniniwala ang dalaga na mas kontrolado ang pagbubuntis dahil magkasama na sila ng nobyo palagi. “Merong risk din kahit hindi kayo live-in eh. May mga nagbubuntis din naman kahit hindi kayo magkasama. I think ‘pag live-in, mas nalo-lower ‘yung chance na mas maging gigil kayo sa isa’t isa kasi magkasama na kayo,” makahulugang paliwanag ni Louise.

Marami ang bumabatikos sa aktres dahil sa ginawang pagli-live-in nila ng ka­sintahan. Hindi na lamang daw pinapansin ni Louise ang mga mapanirang salitang ibinabato sa kanya tungkol dito. “Guys, it’s 2020 na. I came from a very traditional family and siya din. Before kami mag-live in, I think you have to prove to your family as well that you can. Kaya din we work hard para di kami dumating sa point na we are going to ask for money, for rent for us to live. ‘Yung nanay ko against talaga siya no’ng una pero naintindihan na rin naman niya. Kasi may sarili na akong buhay. But I don’t really recommend it. Siguro kapag nasa tamang edad ka na at alam mo ‘yung desisyon mo. Kasi there’s a lot of responsibilities. Kasi living in is kulang na lang papel, kulang na lang singsing, para na rin kayong kinasal,” paglalahad ng aktres.  (Reports from JCC)

Show comments