Ayaw pa rin muna magbigay ng taga-Metro Manila Film Festival ng figures ng kinita ng MMFF 2019.
Hindi naman nila itinanggi na hindi ito kasing lakas at kasing laki sa nakaraang taon.
Maaring may epekto talaga ang bagyong Ursula na sumalanta sa mga probinsya lalo na sa Kabisayaan at Mindanao.
Maaaring malaki rin ang factor ng presyo ng ticket na 300 pesos ang pinakamababa. Meron pa ngayong tig 450 na presyo ng ticket na nakakarinig ka pa ng reklamo sa ilang manonood na hindi nila nagustuhan ang pelikulang napanood.
Sa pag-iikot namin sa ilang sinehan sa SM at Ayala Malls, iisa ang sagot ng mga takilyera na nananatiling malakas pa rin ang Miracle in Cell No. 7 ni Aga Muhlach.
Hindi pa puwedeng maglabas ng ranking ang mga taga-MMFF, kaya wala kaming nakuhang komento sa kanila sa figures na nakuha namin sa aming source.
Kaya hindi official ang nakuha naming resulta ng box-office ng walong pelikulang kalahok sa MMFF ngayong taon.
Ito ay ayon lang sa nakalap namin sa ilang sources namin.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, as of January 1 ay hindi pa raw sumampa sa P650-M ang kinita ng walong pelikulang kalahok.
Kaya mukhang mahirapan itong umabot ng isang bilyong piso na record nung nakaraang taon.
Kumita raw ng mahigit P235-M ang Miracle in Cell No. 7. Sumunod ang The Mall The Merrier na may P230-M, at ang pumangatlong 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon ni Coco Martin ay P75-M lamang, na sinundan ng Mission Unstapabol: The Don Identity na P60-M.
Kapansin-pansin ang malaking agwat ng 1st at 2nd top grosser sa 3rd at 4th rank.
Ang daming obserbasyon ng ilan, pero parang mas naniniwala kami sa sinasabi ng ilan na baka nagsawa na rin ang mga manonood ng halos ganung tema ng pelikula.
Hindi ko pa napanood ang The Mall, The Merrier pero ayon sa ilang nakapanood na nakausap namin, the usual Vice Ganda movie pa rin daw pero mas maganda raw ang nakaraang taong entry niya sa MMFF 2019.
Ang dinig namin, may ilang taga-Creative pa ng ABS-CBN 2 na nakialam dito, pero hindi naman pala umepek sa mga manonood.
Totoo bang isa si John Lapuz sa nakialam sa pelikula? Bakit hindi gaanong kumagat sa publiko?
Base sa mga naobserbahan namin, parang mahihirapan itong makahabol na mag-number one kasi pakonti nang pakonti na lang ang nanonood sa ilang sinehang napuntahan namin.
Hindi kagaya ng Miracle… ni Aga na consistent na malakas.
Kaya ang suwerte ni Aga dito dahil isa siya sa producers.
Narinig pa nga naming kaya pinag-co-produce ni Boss Vic del Rosario si Aga sa pelikula niyang ito para talagang magpursige raw ito sa pagpu-promote at hindi siya mali-late.
Pero tingin naman namin diyan, lucky charm ng Viva rito si Aga. Gaya ng suwerteng dinala rin ni Vice Ganda sa naturang film production.
Kaya ang bongga-bongga ng Viva sa pagpasok ng 2020 dahil sa kanila ang number one at two sa box-office.
Samantala, nakakalungkot naman ang sinapit ng last four na pelikulang kalahok.
Medyo umangat-angat naman daw ang Mindanao pagkatapos ng awards night, dahil nadagdagan ang sinehan, pero nasa panglimang puwesto pa rin ang Sunod na naka-P15-M pa lang daw.
Hindi ko na muna ibigay ang figures ng ilan pang pelikulang sumusunod dahil mababa na siya talaga.
Meron pa ngang naka-P1.5-M pa lang sa halos isang linggong showing nito sa filmfest. Kaya nakakalungkot.
Marami na namang pagtatalo rito pagkatapos ng MMFF.
Makakabawi kaya ito sa susunod na taon?
Ano kaya ang naghihintay na kapalaran ng mga pelikulang kalahok sa Summer MMFF?
Mahirap nang sagutin ang ilang katanungan.
Magpasalamat na lang tayo na masigasig pa rin ang mga film producers sa paggawa ng pelikula, kahit ang hirap talagang makabawi.
Good luck na lang talaga!
Joem at Meryl may second chance
Lalong lumalakas ang duda na tila nagkabalikan na nga sina Joem Bascon at Meryl Soriano.
Matagal na itong pinag-uusapan, na nung nagpu-promote pa lang si Joem ng The Annulment ng Regal, itinanggi na niya ang isyung ito.
Pagkatapos kumalat ang intrigang ito, nakumpirmang break na sina Joem at non-showbiz girlfriend niya ng halos pitong taon na si Crisha Uy.
Kaya nung pinu-promote nila ang Culion, deny pa rin sila sa isyung ito. Pero nung nakaraang Gabi ng Parangal ng MMFF 2019, may mga nakapansing magkasamang umalis sina Joem at Meryl.
Pagkatapos daw tanggapin ni Joem ang kanyang Best Supporting award, umalis na silang dalawa ni Meryl.
Ngayon ay marami ang nakakita sa Facebook post ni Mel Martinez na kasama nila si Joem na sinalubong ang bagong taon.
Isinama nga raw ni Meryl si Joem sa reunion nilang pamilya para sa New Year’s eve.
So, ano kaya ang ibig sabihin? ‘Love is lovelier the second time around’ kaya?