^

PSN Showbiz

‘Walang kasing sarap ang buhay sa bukid’

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
‘Walang kasing sarap ang buhay sa bukid’

Sa aming nayon kami nagdiwang ng Pasko kasama ang aming mga anak at apo, mga pinsan at kamag-anak, mga dating kaeskuwela sa elementarya at high school.

Meron kaming bahay sa tumana (bukid) na pinalilibutan ng mga pananim na gulay. Hindi naman kumpleto ang lahat ng mga nasa kantang Bahay-Kubo pero kung pang-araw-araw lang na pangangailangan ay sagana ang aming bakuran.

Malawak ang taniman namin ng siling pula at berde, meron kaming mga puno ng talong, patola, sitaw at pipino, may mga puno rin kami ng papaya at kapag panahon ng manga ay masipag mamu­nga ang puno namin ng Indian mango.

Kapag umuuwi kami sa Visoria ay sa bukid kami nanananghali ng aming mga anak at apo, nandu’n din ang buong angkan namin, napakasarap kumain na ang kakambal mo ay sariwang hangin at mga huni ng ibon.

Pangarap naming ang bahay sa bukid. May bahay rin kami sa nayon pero ibang-iba ang tana­win sa tumana. Malawak na palayan hanggang sa kayang abutin ng paningin mo, mga pataniman ng gulay na isa sa mga pinagkakakitaan ng aming mga kanayon, parang iginuhit ng magaling na pintor ang kapaligiran.

Nandu’n na kami hanggang sa gumabi. Nagbabaraha sa terrace sina Tina Roa, Japs Gersin at ang mga pamangkin namin habang nasa duyan naman kami na sarap na sarap sa pagtulog.

Mayamang-mayaman ang aming mga alaala habang nandu’n kami. ‘Yun mismo ang tumana na dinadayo namin para manggulay. Hindi binibili ang mga gulay sa tumana, manghihingi ka lang sa may-ari, sa pag-uwi mo ay puwede na kayong magluto ng pakbet at bagoong na lang ang bibilhin mo.

‘Yung puno ng manga sa nabili naming bakuran, du’n mismo kami umaakyat nu’n, magpapahid muna kami ng abo sa katawan bilang panglaban sa kagat ng mga ibok (malalaking langgam na pula).

Walang kasingsarap ang buhay sa bukid. Walang stress. Walang tensiyon. Parang walang problema.

Hanggang alam namin ang daan pauwi sa aming nayon ay hinding-hindi kami maliligaw sa aming pagtanda.

‘Harinawang mas maging mabait ang 2020’ Take It...tinuturing na gamot sa kalungkutan

Mamayang gabi ay magpapalit na ang taon. Napakabilis ng panahon. Parang sa isang iglap lang ay tapos na ang 2019 at haharapin na natin ang mga paghamon ng 2020 na harinawang ma­ging mabait sa atin.

Hindi naging maganda ang pagtatapos ng taon dahil sa mapamuksang lindol at kalamidad na nagpapahirap pa hanggang ngayon sa ating mga kapatid sa Mindanao at Kabisayaan.

Malaking kabawasan ‘yun sa pagiging merry ng Christmas at happy ng sasalubungin nating New Year. Mahirap maging masaya kapag alam nating maraming hindi nagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon dahil sa inabot nilang bagyo at lindol.

Pero ibang lahi ang Pinoy, ipinanganak tayong matapang at buung-buo ang loob sa mga paghamon, isang araw ay makikita na nating nakaba­ngon uli ang mga sinalanta nating mga kababayan at tinatanaw na uli nang positibo ang kinabukasan.

Nagtatrabaho kami tuwing Bagong Taon. Naging panata na namin ang pagkilos kapag dumarating ang panibagong taon para maging aktibo rin ang buong taon ng aming buhay.

Kahapon ay nag-Take It Per Minute Me Ganu’n na kami nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu, napakabilis ng paglipad ng panahon, sa Pebrero pala ay mag-iisang taon na kami sa TIPMMG.

Ito ang talk show sa Pilipino Star Ngayon Facebook page na itinutu­ring na gamot sa kalungkutan ng mga kababayan nating nagtatrabaho-naninirahan sa iba-ibang bansa.

Laglagan talk show ang tawag ng mga kaibigan namin sa Amerika at Canada sa aming programa tuwing Martes nang tanghali dahil sa ginagawang pagbubuking ni Manay Lolit sa mga blind items namin ni Mr. Fu.

Walang nakapipigil kay Manay Lolit, pinapangalanan niya talaga ang aming mga pitik-bulag, ‘yun ang hinahalakhakan ng mga OFW at ng mga pamilyang nalulungkot dahil malayo sila sa kanilang mga mahal sa buhay.

Bakit nga ba matagumpay ang mga programang Take It Per Minute Me Ganu’n at Cristy Ferminute sa Cignal Channel 6 at Radyo 5?

Kasi nga ay para lang kaming nagkukuwentuhan sa kusina, parang walang mga camerang nakatutok sa amin, basta kuwentuhan lang kami nang kuwentuhan na pati ang aming mga sarili ay inilalaglag din namin.

Sigaw na nang sigaw ang aming hepe na si Salve Asis, pero wala pa rin kaming pakialam, halakhakan lang kami nang halakhakan na parang wala nang kasunod na bukas sa aming buhay.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Happy New Year po sa ating lahat!

BAHAY-KUBO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with