Sino ba ang umangal sa naging desisyon ng jury nitong nakaraang Metro Manila Film Festival? Wala naman eh, ang umaangal lang ay iyong female starlet na si Jasmine Curtis Smith na mabilis na nag-post sa kanyang social media account ng “fishy”.
Hindi maikakaila na ang naging desisyon ng jury ay tulungan ang mga pelikulang hindi kumikita. Isipin naman ninyo, first day pa lang nagkabawasan na ng sinehan, kasi nga lugi. So siguro naisip nila na tulungan ang mga iyon. Talagang doon lang sa mga pelikulang hindi kumikita nahati ang awards.
Pero isang pelikulang balolang din sa takilya ang binigyan lang nila ng special award, na tinawag nilang “ensemble award” ay iyong Culion. Napansin din naman at nominated bilang supporting actress si Meryll Soriano, pero hindi nanalo. Iyang mga special award na ganyan, iyan ang parang consolation prize. Eh siguro iyon nga ang iniisip nila, balolang din naman sila kagaya ng Mindanao, Sunod at Write About Love pero bakit wala silang award?
Iyan ang desisyon eh. Ang panuntunan nga riyan ay “ludicatio est ad ultima et irrevocabilis” na ang ibig sabihin ay “ang hatol ng mga hurado ay siyang masusunod at hindi mababago”. Maaaring hindi mo gusto ang naging desisyon ng hurado, pero iyon ang desisyon nila. Maaaring ang mga hurado ay nagkamali, pero ang pagkakamaling iyon ang siyang masusunod.
Maliwanag nga lang na iyang desisyon ng mga hurado ay hindi siyang desisyon ng masang Pilipino na siyang nagbabayad para manood ng mga pelikula. Kung hindi mababago ang desisyon ng mga hurado, hindi rin naman mababago ang kagustuhan ng masa. Ano ang nangyari pagkatapos ng awards? Umaatungal pa rin ang mga nananalo at halos manikluhod na dagdagan naman ang kanilang sinehan. Iyong mga natalo, lalong dumami ang mga sinehan at kumikita nang husto. Gagawa ngayon tayo ng conclusion diyan. Hindi nakikinig ang publiko sa desisyon ng mga hurado. Hindi mahalaga sa kanila ang awards, manonood sila at gagastos sa pelikulang gusto nila.
Kung ang mga gagawin ninyong pelikula ay batay sa inyong standards, humanda na kayong bumagsak nang tuluyan ang industriya. Hindi iyan panonoorin ng mga tao, Maraming magagandang serye sa TV. Pagkatapos ninyo, papasok iyong Star Wars na gusto rin nilang mapanood. Kung gusto ninyong gawin iyang style ng mga indie, huwag na kayong umasa na kikita ang pelikula ninyo, at walang magiging pagbabago sa susunod na mga dalawampung taon.
May mga tao namang kagaya nina Vice Ganda, o Vic Sotto na hindi man ninyo bigyan ng award at wala namang inaasahan maliban sa best float na minsan talo pa sila, aba eh enjoy na enjoy naman sa malakas na palakpakan ng mga tao, at siyempre sa malaking pera na iniaakyat sa kanila ng pelikula. Aminin ninyo, kung wala si Vice, si Vic, si Coco at si Aga Muhlach, wala rin iyang MMFF.
Ano pa ang ipagkakaiba ng MMFF sa Cinemalaya, Pista ng Pelikulang Pilipino, Quezon City Film Festival at iba na na puro naman hindi kumikita. Ano pang tulong ang maibibigay ninyo sa inyong mga beneficiaries?
Kaya nga kung napansin ninyo eh, ano ba ang siniguro nilang makapasok agad sa festival, hindi pa iyang mga inisnab nilang bigyan ng awards?
Isa pa, hindi lahat ng kumitang pelikula pangit. Iyong Miracle in Cell No.7, rated A ng Cinema Evaluation Board, na binubuo ng mga nirerespetong kritiko at mga beterano sa industriya ng pelikula. Mas credible naman silang humusga ng pelikula kaysa sa mga pulitikong hindi mo nga alam kung nanonood ng pelikulang Pilipino.