SEEN: Kahit hindi nanalo si Aga Muhlach sa best actor category ng Gabi ng Parangal ng 45th Metro Manila Film Festival, plano ng mga producer ng Miracle In Cell No.7 na magdaos ng victory party dahil sa box-office success ng kanilang pelikula.
SCENE: Ang mga ticket-seller ng mga sinehan ang nagpatunay na pagkatapos ng unang araw ng 45th MMFF noong Pasko, mas pinipilahan na ang Miracle In Cell No.7 kaya naniniwala sila na ang pelikula ng Viva Films ang tatanghalin na top-grosser.
SEEN: Masama ang pakiramdam ni John Arcilla noong Biyernes dahil masakit ang tiyan niya pero dumalo pa rin siya sa Gabi ng Parangal para mag-present ng award.
SCENE: Sa supporting cast ng Miracle In Cell No.7, tanging si Soliman Cruz lamang ang nominado sa best supporting actor category. Tinalo siya ni Joem Bascon na nagkuwento sa acceptance speech nito na umiinom siya ng alak sa lobby ng New Frontier Theater nang biglang tawagin ang kanyang pangalan bilang best supporting actor winner.
SEEN: Tatlo lamang ang mga nominado sa lahat ng kategorya ng Gabi ng Parangal ng 45th MMFF kaya wala kahit isang nominasyon ang The Mall, The Merrier, ang comedy movie nina Vice Ganda at Anne Curtis na pinipilahan sa box-office.
SCENE: Ilan lamang sina Regine Velasquez, Ruffa Gutierrez, Yassi Pressman at Charo Santos-Concio sa mga artista na pumayag na magkaroon ng special participation sa The Mall, The Merrier.
SEEN: Mga bata na kasama ang kanilang mga magulang ang mga nanood ng 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon sa pangatlong araw nito sa mga sinehan.
SCENE: Kinumpirma ni MMDA Chair Danilo Lim na tuloy na tuloy na ang Summer Film Festival sa April 2020. Idea ni Senator Bong Go na magdaos ng Summer Film Festival.