Male singer nakaramdam ng pamumulitika sa nilayasang network!
Isang source ang nagkuwento sa amin kung bakit lumundag ng istasyon ang isang kilalang male singer. Produkto siya ng isang singing contest sa dati niyang network pero umalis siya.
Maraming nagtaka at nagtanong, bakit siya umalis, samantalang malaki ang tulong na nagagawa sa kanya ng network, marami siyang raket sa ibang bansa dahil sa istasyon, bakit siya kumabilang-bakod?
Kuwento ng aming impormante, “Hindi na kasi siya masaya sa mga ginagawa niya. Naramdaman niya na may tinitingnan at tinititigan sa variety show kung saan siya kasama.
“Tinitipid ang exposure niya, samantalang ‘yung iba, kakakanta lang sa isang production number, meron na namang kasunod, may spot number pa nga, di ba?
“’Yung ibang kasamahan niya, e, gasgas na ang lalamunan sa kakakanta, pero siya, e, bilang na bilang ang exposure niya!
“Magaling naman siyang singer, hindi naman siya sumasablay, marami rin siyang fans, pero tinitipid ang exposure niya,” unang kuwento ng aming impormante.
Natural lang na magtanong ang kanyang management agency kung bakit ganu’n, wala namang ginagawang mali ang male singer, pero hindi ‘yun nagustuhan ng production.
Patuloy ng aming source, “Napakalakas ng pulitika sa show na ‘yun, parang walang karapatang magtanong ang mga talents at ang mga manager nila!
“Minamarkahan nila ang ganu’n. Naalala n’yo ‘yung isang male singer na ganu’n din ang kinahinatnan? May ipinost lang siya, pero naging malaking issue na ‘yun sa production!
“Ano ang nangyari? Mas binawasan ang exposure niya dahil reklamador daw, hindi team player, sumuko na lang ‘yung male singer kaya nakabalik pa siya sa show!
“So, nu’ng ramdam na ramdam na nu’ng male singer at ng mga managers niya na hindi na magiging maganda ang sitwasyon niya, lumundag na siya sa kabilang network!
“At maayos na siya du’n ngayon, binibigyan siya ng show, walang palakasan, talent ang pinagbabasihan du’n! Kapag magaling ka talaga, e, may show ka!
“Ganu’n naman talaga dapat, para walang clash sa pagitan ng talent-manager at ng production!” may clue pang pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Alden, parang si Angel ang ugali
Si Alden Richards ang male counterpart ni Angel Locsin sa pagtulong nang walang kaingay-ingay. Tulad ng aktres ay maraming sinusuportahan ang Pambansang Bae na walang publisidad.
Nakakatuwang malaman ang kanyang mga ginagawa na sa ibang tao nanggagaling at hindi sa kanya. Ilang beses na naming naririnig ang pagtulong ng aktor sa mga kababayan nating may matinding pangangailangan.
Isang kaibigan ang nagkuwento sa amin, “Nagpunta siya sa isang orphanage, iilan lang silang dumating. Walang mga camera, walang mga reporters, siya lang at tatlong kaibigan niya ang nandu’n.
“Nakakaiyak nga ang kuwento ng isang nurse na kaibigan ko. Pinasaya ni Alden ang mga bata, nagpalaro siya, marami siyang dalang food, nagbigay pa siya ng check sa orphanage.
“E, hindi naman ‘yun nasulat, kasi nga, walang coverage, di ba? Napakaganda pala ng puso ni Alden, kaya naman pala dating nang dating ang mga blessings sa kanya,” kuwento ng aming kaibigan.
Ganu’n naman talaga dapat ang pagtulong. Sinsero. Nawawala kasi ang indulhensiya ng pagsuporta kapag ipinagmamakaingay ‘yun sa buong mundo.
Hindi pulitiko si Alden Richards na kailangang ipagbanduhan ang kanyang pagtulong para bumango ang kanyang pangalan at para may maasahang boto sa darating na eleksiyon.
Hindi niya ‘yun kailangan. Naniniwala lang ang Pambansang Bae na kung may butas ang ating mga palad palabas ay meron ding butas na papasukan ang mga parating na biyaya o hindi siya umaasa ng kapalit.
Patotoo naman ng isang close sa singer-actor, “Ganu’n na siya talaga. Kahit nu’ng hindi pa siya sikat, marunong na siyang mag-share ng mga biyaya niya sa mga less fortunate.
“Naturalesa na niya ang ganu’n. Maganda talaga ang puso niya,” sabi ng aming kausap.
Kaya naman sa kabila ng mga isyung ipinupukol laban kay Alden Richards ay mas kakampi niya ang tagumpay.
- Latest