Aktres, pahinga na sa pagpaparetoke!

Puhunan ng mga artista ang kagandahan. Kailangan nilang alagaan ang kanilang itsura at katawan, gumagastos talaga sila para mapanatili ‘yun, at walang masama sa pagsalang sa operasyon kung ‘yun ang makabubuti sa kanila.

Pero kapag sumosobra na ang pagpaparetoke ay hindi na rin maganda, wala nang natitirang orihinal sa itsura nila nang ipanganak, produkto na sila ng siyensiya.

Ang karaniwang labi ay pinalalaparan, ang ilong na Pinoy na Pinoy ay pinatatangusan, pinakukurbahan ang bewang para ma­pa­natili ang kaseksihan.

May isang female personality na dahil sa kapaparetoke ay nagbago na talaga ang itsura. hindi na siya ‘yung unang ipina­kilala nu’ng bagu-bago pa lang siyang nag-aartista.

Kuwento ng aming source, “Bata pa naman siya, pero kung bakit napakaaga niyang sumailalim sa pagpaparetoke ng face niya! Ginagawa lang ‘yun ng mga nagkakaedad na, di ba?

“Pero ang girl na ‘yun, e, naadik na sa pagpaparetoke, du’n na yata siya nakatira sa clinic na pinagpapagawaan niya, e! Ibang-iba na ang itsura niya!

“Kahit nga ang mga dati niyang karelasyon, e, hindi na siya makilala! Paano naman, pinalakihan niya ang mga mata niya!

“Pinakapalan niya ang labi niya na para siyang pinagpistahang kagat-kagatin nang isang laksang putakti! Nagpalagay siya ng boobs na hindi naman bumagay sa kapayatan niya!

“Nagpatambok siya ng cheekbones, may tinapyas sa bandang baba niya, ano ba naman ‘yun?” nagtatakang komento ng aming impormante.

Pero isang araw ay nagdesisyon ang female personality, nagpunta siya sa suki niyang clinic, may ipinatanggal siya sa kanyang mukha.

Kuwento uli ng aming soruce, “Paano, nasaktan siya sa sinabi ng mga nakasabay niya sa airport! Dinig na dinig niya ang sinabi ng isang nandu’n, ‘’Yung baklang ‘yun, parang kilala ko siya! Parang familiar sa akin ang itsura niya!’

“E, siya lang naman ang nasa unahan ng mga nagkukuwentuhan! Pinagkamalan siyang bakla! Ang akala nu’ng nagkomento, e, transvestite siya!

“Napahiya siya sa sarili niya, kaya pagbalik niya mula sa biyahe, e, gora agad siya sa clinic! Pinabago niya ang nose niya, hindi na masyadong matangos, umangat na lang ‘yun nang konti sa dating ilong niya!

“Aba, napakasakit nga naman ng narinig niya! Isa siyang beki! E, babaeng-babae siya! Haaay, usung-uso talaga ang mga pangalang dalawang letra lang kung bibigkasin kahit iba ang spelling!” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Alessandra

Sinabayan ng semis ng PBA, Mmk at Mpk nagkopyahan ng kuwento?!

Siguro nga ay nagkataon lang ang eksaktong naging ikot ng mga kuwentong ipinalabas sa magkatapatang programang Maalaala Mo Kaya at Magpakailanman nu’ng Sabado nang gabi.

Parehong-pareho ang takbo ng kuwento, magkakaibang artista lang ang gumanap, pati sa mga eksena ay plakado ang dalawang programa.

Sa MMK ay nakasentro kina Alessandra de Rossi at Ronnie Lazaro ang istorya. Matindi ang galit ng anak sa kanyang ama dahil sa pagharang sa kanyang pangarap na makipagsapala­ran sa lunsod at umalis na sa bukid.

Sa Magpakailanman ay umikot naman ang kuwento sa isang anak na naglayas dahil hindi sila magkasundong mag-ama, lumaki ito sa Boystown, ang napakagaling na si Amy Austria ang gumanap na nanay.

Miguel

At nasorpresa kami, magaling palang umarte si Miguel Tanfelix, hindi pala basta kaguwapuhan lang ang puhunan ng binatang aktor.

Pagpapatawad ang buod ng dalawang istorya. Nang humingi na ng tawad kay Alex si Ronnie Lazaro ay namatay ang tatay habang nasa wheelchair.

Habang ikinukuha naman ng pagkain ni Miguel si Amy Austria ay inatake ang nanay, namatay rin habang nasa wheelchair, ang pagkakataon nga naman kapag nagbiro.

Hilung-hilo ang aming remote control nu’ng Sabado nang gabi, hindi kasi namin mabitiwan ang dalawang programa, ang gagaling ng kanilang mga artista.

At kapag sabay ang kanilang commercial ay meron kaming pangatlong tinututukan, ang matindihang laban sa semis ng Meralco at TNT, 2-2- na ang kartada ngayon ng dalawang koponan ni Sir MVP.

Isang salpukan na lang at magkakaalaman na kung anong team ang makakaagawan sa kampeonato sa PBA ng Team Never Say Die, ang Barangay Ginebra, go!

 

Show comments