Hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang mga kuwento tungkol sa misis ng isang sikat na sikat at yayamaning male personality kapag dumarating na ang Pasko.
Maraming may gustong mamasko sa male personality, pero ayaw ng mga ito sa kanilang bahay, dahil nandu’n daw ang misis ng lalaking personalidad.
Kuwento ng aming source, “’Yun ang naging belief nu’n ng mga may gustong bumati ng Merry Christmas sa kasamahan at kaibigan nila dati. Sila ang mga dating kasama-sama ng male personality nu’ng hindi pa siya ganyan kasikat at kayaman.
“Ang tawag nila sa wife nu’ng male personality, e, member ng MTRCB, kasi nga raw, e, sine-censor niya ang mga ibinibigay ng husband niya sa mga namamasko sa bahay nila!
“Nakakatawa ang mga kuwento, hindi raw makapagbigay ng mas malaking amount ‘yung male pesonality dahil hinaharang siya ng misis niya!
“Kung ang male personality lang daw ang masusunod, e, talagang bonggang-bongga siya kung mag-aginaldo, lalo na sa mga dati niyang kasama nu’ng hindi pa siya milyonaryo!
“Pero dahil nga kay misis, ang nakararating daw sa kanila, e, barya-barya na lang, hinaharang daw kasi nu’ng wife ng kaibigan nila,” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Pero nabuhayan ng loob ang mga namamasko sa pamosong male personality nu’ng magkaroon na siya ng sariling opisina. Namula ang hasang ng mga bumabati sa kanya kapag Pasko.
Patuloy ng aming source, “Wala naman kasi du’n ang wife niya, mga staff lang niya ang kasama nu’ng male pesonality sa office niya. Feeling ng mga namamasko, e, walang member ng MTRCB du’n!
“At totoo nga ang kuwento nila, mas bonggang mamigay ng pamasko ang male personality kapag du’n siya pinupuntahan sa opisina niya!
“Kailangan lang maghintay ang mga nagpupunta du’n dahil very busy ang pinamamaskuhan nila, marami siyang inaasikasong problema ng bayan, kaya tiyempuhan din para makausap siya.
“Hindi pa rin siya nagbabago, kilala pa rin niya ang mga taong nakakasama niya nu’ng hindi pa siya ganyan kayaman! Alam niya nga pati ang mga pangalan nila, hindi by face lang!
“Kaya naman patuloy na binibiyayaan ang taong ‘yun, e, dahil sa magandang puso niya. marunong siyang lumingon sa pinanggalingan niya. Hindi siya nakalilimot sa mga taong nakasama niya.
“Pak na pak talaga ang ugali ng male personality na ‘yun, wala sa bokabularyo niya ang paglimot, kesehodang super-yaman na niya ngayon,” sinserong pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Paghuli kay Nicko Falcis ikinagulat!
Ikinagulat ng marami nating kababayan ang lumabas na balita na hinuli si Nicko Falcis sa airport pagdating nito mula sa Thailand sa bisa ng isang warrant of arrest.
Ilang buwan pa lang kasi ang nakararaan ay lumabas ang istorya na dismissed nang lahat ang mga kasong isinampa ni Kris Aquino laban kay Nicko at sa kapatid nitong si Attorney Jess Falcis.
Bawal daw magsalita ang magkabilang kampo, may gag order silang dapat sundin, pero ayon sa balita ay nagkasundo na sila at tapos na ang kanilang giyera sa husgado.
Tanong ng marami, ano ang naganap at hinuli pa rin sa airport ang dating business manager ni Kris? May kinalaman ba siya sa insidente?
Kung bakit naman sumabay pa ‘yun sa paghingi ni Kris ng respeto para sa kapribaduhan ng sitwasyon ngayon ni P-Noy na ilang araw nang nasa ospital.
Sinasagot ‘yun sa social media sa negatibong paraan ng ating mga kababayan, lalo na ng kanyang mga bashers, sangkatutak na paghusga ang ipinukol ng mga ito pabalik kay Kris.
Anong respeto raw ang hinihingi ng aktres-TV host? Puwede raw kayang manalamin muna siya bago siya humingi ng respeto para sa kanyang nakaospital na kapatid?
“And please, spell RESPECT! Marunong ba kayong magbigay ng respeto sa kapwa n’yo?” sabi pa ng isang post. Isa lang ito sa napakaraming negatibong posts laban kay Kris at sa kanyang pamilya.
Natural, may halong pulitika ang karamihan sa posts, pati ang mga pamilya ng mga nasawing SAF members nu’ng kapanahunan ng kanyang kapatid na dating pangulo ay naungkat sa panghihingi niya ng respeto para kay P-Noy.