Ilang araw na lang at magsasara na ang taon pero kabi-kabila pa rin ang presscon, specials, at events ng ABS-CBN. Hindi mo iisiping kinakabahan ang mga bumubuo nito sa kabila ng mga sinasabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na haharangin niya ang franchise renewal ng Kapamilya network.
Kung sabagay, hindi advisable na mag-panic. Bukod sa patuloy na pagtangkilik ng mga tagapanood sa kanila, na ayon sa ratings ng Kantar Media ay nanatili silang number one, ay marami rin silang maituturing na kakampi sa Kongreso, kung saan daraan ang kanilang aplikasyon.
Sa huling bilang ay may anim na bill na ang naipasa sa House of Representatives ng mga naniniwalang dapat magpatuloy sa ere ang itinuturing na pioneer ng telebisyon sa bansa.
Dalawa sa nagsusulong na mabigyan ng bagong lisensya ang ABS-CBN ay ang mag-asawang sina Batangas Rep. Vilma Santos-Recto at Sen. Ralph Recto. Ayon sa isang report, sinabi ni ate Vi, na lumabas sa mga pelikula ng Star Cinema tulad ng Anak at In My Life, na napagsisilbihan ng ABS-CBN ang maraming Pilipino sa paghahatid ng iba’t ibang palabas bilang pinakamalaking kumpanya sa media sa bansa.
Si Sen. Ralph naman, itinuturo ang ambag ng network sa lipunan mula sa pagbabayad ng buwis, pagbibigay ng trabaho sa maraming Pilipino, at iba-iba nitong proyektong naghahatid ng serbisyo publiko.
Maski nga si Senate President Tito Sotto, na dati ring naging Kapamilya noong nasa Channel 2 pa ang Eat Bulaga, ay naniniwalang may sapat pang oras para dinggin ang franchise renewal application ng ABS-CBN kaya hindi dapat mabahala ang mga tagapagtangkilik at mga empleyado nito.
Bukod sa kanila, marami pang ibang miyembro ng Kongreso na napapabalitang nagpahayag ng suporta sa Kapamilya Network. Kasama na ang dati nitong reporter na si Laguna Rep. Sol Aragones. Bukod kay Ate Vi at Sol, nag-file din pala ng bill sina Pangasinan Rep. Rose Marie Arenas, Nueva Ecija Rep. Micaela Violago, Parañaque Rep. Joy Myra Tambunting, at Surigao Del Sur Rep. Johnny Pimentel, habang co-sponsor naman sina Bicol Rep. Joey Salceda, Manila Rep. John Marvin “Yul Servo” Nieto, at tatlo pang iba ayon sa isang source na naka-chika ko.
Iba-iba rin ang kani-kanilang dahilan sa pagsusulong ng franchise ng network.
Para kay Pimentel, mahalaga ang kontribusyon ng network sa pagpapaunlad ng sports sa bansa sa pamamagitan ng pagpapalabas ng UAAP, NCAA, at MPBL.
Maging mga non-government organizations at grupo ng journalists dito at abroad ay nakisali na sa pagpapaalala na huwag naman sanang seryosohin ni Pangulong Digong ang personal na isyu para mapatahimik ang network.
Ang mga netizen naman, inaalala ang epekto ng pagsasara ng network sa mga mawawalan ng trabaho at kanilang mga pamilya.
May tatlong buwan pa bago tuluyang mag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN na mag-broadcast.
Kaya kaabang-abang kung sino pa ang mga susunod na tatayo at lalaban para sa libu-libong empleyado nito at kanilang tagapanood sa Pilipinas at ibang bansa.
Naku exciting ito. Sa bilis ng araw paggising natin January na then March na agad.