Gma reporter at film producer magkasunod na pumanaw

Parang ‘hora de peligro’ talaga kapag patapos na ang taon dahil mayroon pang humahabol na pumanaw, pagkatapos ng untimely death ng actor na si Miko Palanca.

Ginulat tayo ng balitang pumanaw na ang Kapuso news reporter na si Cesar Apolinario dahil sa sakit na lymphoma.

Bukod sa pagbabalita, naging direktor na rin si Cesar at ang kauna-unahan niyang pelikulang Banal na nakasali sa Metro Manila Film Festival ang siyang nagbigay pa sa kanya ng Best Director award.

Nasundan ito ng ilan pang indie films, pero madalas din naming nasasalubong noon sa GMA 7 si Cesar na la­ging nakangiti sa amin.

Kaya nakakagulat nang nalamang may sakit na pala siya nung mga panahong nakaka­tsikahan pa namin sa Kapuso network.

Ang isa pang nakakalungkot na balita ay ang balitang pagpanaw na rin ng dating movie producer na si Mike Miranda ng Double M Productions.

Naging malapit sa akin si Tito Mike nung nagsisimula pa lang ako sa showbiz, dahil nagpatulong pa siya noon sa promo ng MMFF entry niyang Engkanto.

Si Tito Mike ang isa sa nagpasikat kay Robin Padilla. Ang mga pelikulang prinodyus niya noon ang siyang nagbansag sa action star na Bad Boy of Philippine Movies.

Matagal na siyang nagpahinga sa showbiz dahil nasa Camarines Sur na siya nanirahan. Nagulat na lang kami nang ipinarating sa amin ang balitang pumanaw na siya dahil naputukan daw siya ng main nerve.

Nakikiramay po kami sa pamil­yang naiwan nina direk Cesar Apolinario at Tito Mike Miranda.

Aicelle walang planong magtrabaho na ‘di kasama ang asawa

Hanggang Linggo, December 15 na lang ang Sunday Pinasaya.

Nai-tape na nila ang episode na iyun at kumpleto na raw silang lahat.

Tiniyak nilang masaya at pasabog ang kanilang Christmas special at bale finale na rin ng masayang Sunday comedy variety show.

Wala pa ring binibigay na announcement tungkol sa ipapalit na programa pero nagkumpirma na ang ibang Kapuso stars na kasali nga raw sila.

Nabanggit sa amin noon ni Glaiza de Castro na kasali siya rito.

Napapag-usapan na ring pangungunahan daw ito nina Alden Richards at Julie Anne San Jose, at nung naka­tsikahan din namin si Aicelle Santos sa Walk of Fame ng GMA 7 nung nakaraang Huwebes ay nabanggit niyang may bagong show naman daw siyang dapat abangan next year na isang musical.

Kaya hindi na nga raw niya iniisip na bumalik sa West End o subukang mag-Broadway dahil mas priority niya ang pagsasama nila ng asawang si Mark Zambrano.

Napagkasunduan daw kasi nilang hindi sila maghihiwalay para lang magtrabaho.

Hindi raw siya aalis kung hindi naman kasama si Mark. “Napag-usapan naming magkasama kami wherever I go. Kasi, it’s pointless marrying and then maghihiwalay kayo ng years just for work.

“So, if it’s meant to be, God will allow that…ipagdadasal ko na kung saan ako magtatrabaho, sana makahanap din siya ng trabaho dun.”
Mabuti nga raw at may bago siyang show, kaya hindi na muna niya iniisip na mag-audition sa London o sa Amerika para makabalik sa entablado.

Hindi pa naman daw nila pinaplano, pero kung sakaling mabuntis na raw siya, okay lang sa kanya dahil blessing naman daw para sa kanila iyun.

Kaya talagang naka-focus si Aicelle sa pagiging Mrs. Zambrano.

Nakakanta pa rin naman daw siya dahil nga sa bagong programang gagawin nilang ipapalit sa Sunday Pinasaya.

Show comments