Yeng gusto na ring maging aktres

Yeng

Sa kauna-unahang pagkakataon ay magbibida si Yeng Constantino sa pelikulang Write About Love na isa sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival 2019. Kasama ng singer sa naturang proyekto sina Miles Ocampo, Rocco Nacino at Joem Bascon.

Naniniwala si Yeng na posibleng maging isang ganap na artista ang mga singers na katulad niya. “Siguro nakakatulong din ‘yung pagiging singer namin. Kasi po ‘pag kumakanta kami nilalagay din po namin ‘yung sarili namin sa kanta. So in way it’s also acting. Pero iba rin po ‘yung nagde-deliver ng lines na walang melody at saka aaralin mo talaga ‘yung karakter mo sa pelikula. Feeling ko nga ‘yung mga co-singers ko sa ASAP, kaya din nilang umarte, kaya nila ito,” nakangiting pahayag ni Yeng.

Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto ng singer na ipagpatuloy na ang pag-arte sa harap ng kamera. Kayang-kaya raw ni Yeng na pagsabayin ang kanyang singing at acting career. “Sana po after this film ay makitaan po ako ng potensyal ng ibang production houses. Mag-o-audition po ako ulit kasi nag-audition po ako para sa aking character dito eh. Hindi po ako titigil kasi I found it talaga na parang naging passion ko na rin ito,” paliwanag ng singer.

Samantala, kamakailan ay nakapagbida na rin ang kaibigang si KZ Tandingan kasama si Epy Quizon sa pelikulang The Art of Ligaw. Hindi raw masabi ni Yeng kung naging magaling na aktres si KZ dahil hindi niya napanood ang pelikula. “Hindi mo makukumpara kung sinong mas magaling sa amin ni KZ. Nagbasa din ako ng mga write-up tungkol kay KZ, bilib talaga ‘yung direktor sa kanya. Hindi ko nga lang napanood kasi nawala sa cinemas. Kasi ang dami kong ginagawa. Pero even sa manager namin, sinabi nga na ang galing-galing ni KZ do’n. Sobrang natural lalo na ‘yung timing niya sa comedy,” paglalahad niya.

Kim, kino-consider na challenge pag may horror movie

Kim

Nakatakdang muling gumawa ng isang horror film si Kim Chiu. Makakasamang magbibida ng aktres sina JM de Guzman at Tony Labrusca sa bagong proyekto. “Masaya ako na pinagkakatiwalaan ako sa mga horror films. It’s really out of my comfort zone kasi in real life, ayoko talaga sa multo pero sinusundan talaga nila ako sa movie,” bungad ni Kim.

Kahit marami-raming horror movies na ang nagawa ay aminado naman ang dalaga na talagang nahihirapan siya sa mga eksenang ginagawa. “Hindi naman ako malungkutin, hindi naman ako mahilig sa mga ganyan, so challenge siya for me. Every time I do a horror movie, it’s a challenge for me na mapaniwala ko ‘yung mga tao na kailangan nilang matakot,” pagtatapat ng aktres. (Reports from JCC)

Show comments