Angel Locsin pasok sa 'Heroes' list ng Forbes Asia dahil sa charity work

"Si Angel Locsin, isang aktres mula sa Pilipinas, ay sumusuporta sa pagbibigay tulong sa mga biktima ng karahasan, sakuna at kaguluhan sa Mindanao," sabi ng Forbes sa Inggles.
Ver Paulino

MANILA, Philippines — Kabilang si Kapamilya actress Angel Locsin sa listahan ng 2019 Heroes of Philanthropy List na kalalabas lang ng Forbes Asia.

Sa kanilang website, isinama ng Forbes si Angel sa 30 mayor na "altruists" sa Asya-Pasipiko, dahil sa pagbibiay tulong niya sa mga tinamaan ng katatapos lang na lindol sa Mindanao.

"Si Angel Locsin, isang aktres mula sa Pilipinas, ay sumusuporta sa pagbibigay tulong sa mga biktima ng karahasan, sakuna at kaguluhan sa Mindanao," sabi ng Forbes sa Inggles.

Dati nang ring kilala si Angel sa pakikipaglaban para sa karapatan ng kababaihan, lalo na't miyembro siya ng militanteng grupo na Gabriela.

Ilan pa sa mga celebrities na naisama sa listahan ay si Toshiki Hayashi, miyembro ng sikat na Japanese musical group na X Japan at singer-actress na si IU (Lee Ji Eun), na siyang pinakabata sa listahan ngayong taon.

Hans Sy, pasok din sa listahan

Maliban kay Angel. napasama rin sa listahan ang Pinoy na negosyanteng si Hans Sy, dahil na rin sa kanyang proyekto sa Lungsod ng Quezon.

"Tumulong si Hans Sy mula sa Pilipinas na ilunsad ang bagong renovate na center ng Child Haus sa Quezon City noong Hulyo para pagtirhan ng 40 batang may kanser at kani-kanilang caregivers; binili niya ang ari-arian para sa organisasyon bilang isa sa mga unang donor nito noong 2010," dagdag pa ng Forbes.

Ilan pa sa mga personalidad na nakabilang sa listahan ay sina Jack Ma, Azim Premji at Theodore Tachmat.

Dati nang napasama sa listahan ang mga gaya nina Bill Gates, Azim Premji, Melinda Gates at Warren Buffet. — James Relativo at may mga ulat mula kay Jan Milo Severo

Show comments