Very proud ang FDCP Chairperson Liza Diño-Seguerra sa pagdirek ng dyowang si Ice Seguerra sa katatapos lang na pamamahagi ng Film Academy of the Philippines at Film Development Council of the Philippines ng 37th Luna Awards, na ginanap sa Maybank Performing Arts Theater sa BGC, Taguig nung kamakalawa ng gabi.
Maayos naman kasi itong nairaos, simple pero organized ang pagkalatag ng programa at paggawad ng parangal.
Nasa program na ang magbibigay ng Welcome Remarks ay ang bagong Director-General ng Film Academy of the Philippines na si Ms. Vivian Velez pero hindi naman siya dumating.
Ayon sa mga nasagap naming kuwento last minute ay nagpasabi na raw si Vivian na hindi na siya makakarating. Pero may tsismis na meron daw siyang gustong ipadagdag o gawin sa awarding, pero alanganin na sa oras at baka magulo pa ang programang maayos na dinirek ni Ice.
Kaya ang director-general ng Mowelfund na si Ms. Boots Anson-Rodrigo ang nagbigay ng welcome remarks, at ang Chairperson namang si Ms. Liza Diño-Seguerra ang nagbigay ng Sine Sandaan message bago binigyan ng parangal ang mga movie producers na malaki ang naiambag sa Philippine Movie Industry.
Nagustuhan namin ang inihanda nilang AVP sa mga binigyan ng special awards, dahil talagang nakikita mong binigyan sila ng pagpapahalaga.
Si Mother Lily Monteverde na ginawaran ng FPJ Lifetime Achivement Award, kay Nova Villa naman ibinigay ang Manuel de Leon Award for Exemplary Achievements at ang Lamberto Avellana Memorial Award sa namayapang direk Wenn Deramas at direk Soxie Topacio.
Ang mga pelikulang Goyo: Ang Batang Heneral, Liway, Signal Rock at Gusto Kita With All My Hypothalamus ang halos naghahati-hati ng awards, pero nakuha ng Goyo ang Best Picture award na sobrang ikinagulat ng isa sa mga producer na si Vincent Nebrida na siyang tumanggap ng tropeyo.
Nagbubunyi ang KathNiel fans dahil sa pagkapanalo ni Daniel Padilla bilang Best Actor sa pelikulang The Hows of Us.
Si Glaiza de Castro ang nagwaging Best Actress mula sa pelikulang Liway, at sina Daria Ramirez ng Signal Rock ang Best Supporting Actress, at muli si Arjo Atayde ng Buy Bust naman ang Best Supporting Actor.
Pero si Daria lang ang nakadalo roon na sobrang tuwa, dahil sabi niya, after 41 years daw ngayon lang siya muli nagka-acting award.
Sayang at hindi na nahintay ni direk Chito Roño ang Best Director category kaya hindi niya personal na natanggap ang kanyang tropeyo.
Ang bida ng Signal Rock na si Christian Bables ang tumanggap ng naturang award.
Medyo late na siguro kay direk Chito iyun kaya umuwi na siya.
Kahit nga ang isa sa mga presenter na si direk Joel Lamangan ay humihikab na sa stage nang ibigay ang naturang award kasama sina direk Joey Reyes at direk Elwood Perez.
Dumating din doon si Nora Aunor para tanggapin sana ang Sine Sandaan award para sa NV Productions, pero hindi rin niya ito nahintay.
Inatake raw siya ng Asthma niya kaya hindi na niya natanggap ang special award para sa NV Productions na isa sa pinarangalan sa Sine Sandaan Film Production Companies of the Philippine Luminaries.
Kasama niya sana si Ms. Liza Diño na mag-present ng Best Picture award pero nakaalis na siya.
Sobrang tuwa ni Ms. Liza nung gabing iyun dahil napupuri ang pagkakadirek ni Ice at siguro sobrang passionate lang siya kaya paulit-ulit lang ang sinasabi niya sa impromptu speech nito.
Doon sa Sine Sandaan message, hindi na raw niya babasahin ang iba pang nakasulat sa speech niya, pero ang dami pa rin niyang sinasabi.
Halos ganun din ang sinabi niya bago niya iprinesent ang Best Picture winner.
Siguro dapat na sabihan din si Madam Liza na medyo bawasan na ang mga kuda, dahil nakikita namang nagtatrabaho siya.
Isa sa nakaw-eksena nung gabing iyun ay si Cherie Gil na sobrang nag-enjoy, medyo lasing na ito nang iprinesent ang Best Actress category kasama ang pamangking si Max Eigenmann.
May cocktails kasi roon at bumabaha ang alak, kaya na-enjoy ni Cherie na panay ang tungga ng alak habang pinapanood ang awarding.
Hindi halos makasingit si Max dahil ang dami nang sinasabi ni Cherie na may bitbit pang wine glass. Kulang na lang mag-dialogue siya uli ng “you’re nothing but a second rate trying hard, copycat.”
Pero proud na proud kasi siyang in-announce ang pagkapanalo ni Max bilang Best Actress sa Asia Pacific Screen Awards sa Australia.
Okay lang daw na tawagin siyang ‘tita.’
Congratulations sa lahat na mga winners! At kudos sa FDCP at FAP na bumuo ng Luna Awards, at curious lang ako kung may mga pagbabago bang gagawin si Ms. Vivian Velez sa pamumuno sa Film Academy of the Philippines.