Mukhang nagkakausuhan na ngayon ang engagement ng mga showbiz sweetheart.
Magkakasunod na napabalita ang pag-propose ni Juancho Trivino kay Joyce Pring, na nung August pa pala naganap.
Sumunod naman ang kina Vhong Navarro at Tanya Bautista, na ikinasal na sa Japan kahapon.
Matagal na ring hinihintay kung kailan na ba magpu-propose si Luis Manzano kay Jessy Mendiola.
Sabi ni Luis sa mga nakaraang interview ay si Jessy lang daw ang hinihintay niyang maging ready dahil marami pa raw itong gustong gawin.
Pero mukhang malapit na dahil sa usapan ng magkaibigang Luis at Billy Crawford sa isang post ni Jessy.
Akala kasi ng karamihan ay engagement ring na ang ipinost ni Jessy sa kanyang Instagram account, na promo lang pala ng isang jewelry store.
Pero nag-comment sa post na iyun si Billy Crawford ng “Sabihan mo na yung bestfriend ko ilagay n’ya na yung singsing sa ring finger mo hahaha!”
Kaagad na sumagot si Luis sa comment na iyun ng “yes (dalawang heart emoticon) that’s the plan”.
Natuwa ang mga follower ni Jessy, na tiyak isa sa pinakamasaya ay si Cong. Vilma Santos-Recto na matagal nang gustong magka-apo sa kanya ng mga anak lalo na kay Luis.
Mga mananalo sa MMFF, makakatanggap ng datung!
Nagkabunutan na pala ang mga representative ng walong pelikulang kalahok ng sequence ng parada, kung aling pelikula ang unang ipaparada at alin ang huli.
Mauuna nga ang Mission Unstapabol nina Bossing Vic Sotto at Maine Mendoza, susunod ang Culion ni Iza Calzado, pangatlo ang Write About Love nina Rocco Nacino at Miles Ocampo, pang-apat ang 3pol Trobol: Huli Ka Balbon nina Coco Martin, Jennylyn Mercado at AiAi delas Alas, susunod ang Miracle in Cell No. 7 ni Aga Muhlach, tapos ang Sunod nina Carmina Villarroel at Mylene Dizon, na susundan ng Mindanao nina Judy Ann Santos at Allen Dizon at panghuli ang M&M: The Mall, the Merrier nina Vice Ganda at Anne Curtis na tiyak na lalong malaki na ang tiyan.
Ang dinig namin, kakaririn ng taga-Mindanao ang kanilang float na Muslim inspired at marami silang puwedeng gawin para maging colorful ito.
Pero alam naman natin kung aling float ang talagang pagkakaguluhan.
Ang lungsod ng Taguig ang host city, kaya doon ang parada na sabi ng spokesperson ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na si Noel Ferrer, ito raw ang pinakamahabang parada dahil sa daming lugar na dadaanan nito.
Puwedeng i-check sa Facebook page ng MMFF para malaman n’yo kung saan ang ruta ng parada.
Tiniyak naman nilang maayos ito at never na mangyayari ang kapalpakan nung nakaraang taon.
Nakapagbunot na rin sila ng mga sinehang papalabasan ng walong pelikulang kalahok at in-assure ng mga theater owner na walang matatanggal sa loob ng tatlong araw.
Kahit mahina ang isang peikula, assured siyang hindi mababawasan ng sinehan sa loob ng tatlong araw.
Ngayon pa lang ay nagsisimula na silang mag-promote at napansin ko ngang napakaaga ng promo ng Write About Love ng TBA Studios.
Iba ang style ng promo nila na kung saan pinasok nila ang iba’t ibang eskuwelahan dahil pang-millennials ang pelikula nina Rocco Nacino at Miles Ocampo. Ito lang ang nag-iisang love story kaya pambata ang crowd.
Next week ay magkakaroon na sila ng premiere night, na kung maganda ang feedback maikakalat na agad sa moviegoers.
Sa December 27 naman ang awards night, at ang ilang pagbabago rito makakatanggap ang lahat na winners ng cash prize.
Dati kasi mga major winner lang ang may cash prize, ngayon lahat na including ang mga technical awards. Kaya dapat na dumalo ang mga nominado.
Bahagi ng pagdiriwang ang Centennial of Philippine Movies, gagawaran ng Hall of Fame award ang mga makakatanggap ng pinakamaraming award sa mga MMFF.
Iyung mga nagwagi ng tatlo at higit pa na awards sa MMFF ay gagawaran ng Hall of Fame. Ang top three winners lang ang bibigyan.
Kagaya ng sa kategoryang Best Actress, ibibigay ito kina Nora Aunor, Vilma Santos at Maricel Soriano.
Sa Best Actor naman ay sina Christopher de Leon, Cesar Montano at ang namayapang action star na si Anthony Alonzo.
Sa Best Supporting Actress naman ay sina Amy Austria, Cherie Gil at Eugene Domingo.
Hindi ko lang nakuha ang sa Best Supporting Actor.
Ang sa Best Director naman ay sina direk Joel Lamangan at Joey Reyes.
Dito na rin mapapag-usapan kung ano naman ang paghahandaan para sa Summer Metro Manila Film Festival.