Masayang-masaya si Maricel Soriano para sa relasyon nina Vice Ganda at Ion Perez. Matatandaang gumanap bilang ina ng Phenomenal Box Office Superstar ang Diamond Star sa pelikulang Girl, Boy, Bakla, Tomboy noong 2013 at mula noon ay naging malapit na magkaibigan na ang dalawa. Personal na ipinakilala ni Vice si Ion kay Maricel nang mag-guest sa It’s Showtime ang aktres kamakailan.
“Anak, may itatanong ako sa iyo, mahal mo ba ang anak ko?” tanong ni Maricel kay Ion.
“Ito lang ang masasabi ko sa inyo, ‘yung anak n’yo ay mamahalin ko nang lubos, sapat at tapat,” sagot naman ni Ion sa aktres.
“Maging mabuti ka sa anak ko, huwag mo siyang lolokohin. ‘Yun lang ang hinihiling ko. Alam mo masarap maging maligaya. Alam mo sabi nila masarap lang daw sa umpisa, pero huwag mong gaganunin si Vice, hahanapin kita. Gusto ko kapag sinabi mong mahal mo siya, mahal mo na siya forever,” hiling ng aktres sa binata.
“Ang pag-ibig naman po namin ay parang halo-halo, habang tumatagal mas lalo siyang sumasarap,” muling sagot ni Ion kay Maricel.
Nagbigay rin ng kanyang mensahe ang Diamond Star para kay Vice. “Tuwang-tuwa ako para sa iyo anak. Sa wakas magiging maligaya ka na rin nang walang pag-iimbot at buong katapatan. Wala na tayong sakit ng ulo na, ‘Kasi hindi naman niya ako pwedeng ipakilala.’ Ayaw ko na gano’n ang nararamdaman mo. Ang gusto ko ang nararamdaman mo ay puro pagmamahal,” nakangiting pahayag ng beteranang aktres.
JC, nag-level up ang relasyon sa bagong jowa
Masaya nang muli ang lagay ng puso ni JC Santos ngayon. Matatandaang napaiyak pa noon sa telebisyon ang aktor nang naghiwalay sila ng dating kasintahan. Ngayon ay maayos na maayos ang relasyon ni JC sa bagong nobya. Ayon sa aktor ay schoolmate din niya noong high school pa lamang ang dalaga. “Level up na siyempre, nasa happy side kasi we’re getting to know each other. Gusto ko na madaliin siyempre. We’re enjoying each other’s company,” makahulugang pahayag ni JC.
Samantala, magbibida ang binata sa musical play na Lam-Ang na mapapanood sa Tanghalang Aurelio Tolentino ng Cultural Center of the Philippines mula December 5 hanggang 15. “Papakita namin ‘yung human parts ni Lam-Ang. Ang alam lang natin mystical being siya, na nakikipag-usap siya sa mga hayop, nakakalipad siya or malakas siya. So ngayon ipapakita namin sa play ‘yung side niya na tao siya. Saka ‘yung human side ng community, kung paano sila mag-react noong mga panahong iyon. Na kapag umuulan lang, may pangitain na nakabase lahat sa nature. More on action-musical siya eh. It’s a dance musical. Sasayaw, magpa-fight scenes,” pagbabahagi ng aktor. Reports from JCC