Ethel Booba sa P55M SEAG 'kaldero': Ipanggatong sa apoy ang korap para sulit

"Sulit ang cauldron kung corrupt officials ang gagawing pang gatong sa apoy. Charot!" sabi ng komedyante sa kanyang tweet kagabi.
Mula sa Instagram account ni Ethel Booba

MANILA, Philippines — Hitik sa batikos ngayon ang kontrobersyal na kaldero, o cauldron, na gagamitin para sa ika-30 Southeast Asian Games — at ang isa sa pinakamatinding bumanat dito, ang television personality na si Ethel Booba.

"Sulit ang cauldron kung corrupt officials ang gagawing pang gatong sa apoy. Charot!" sabi ng komedyante sa kanyang tweet kagabi.

Bagama't sumikat sa kanyang pagpapatawa, malimit magpasabog ng kanyang komentaryo sa mga isyung panlipunan si Ethel, dahilan para pabiro siyang bansagang "greatest philosopher of our time" ng isang artikulo sa The STAR.

Ang nasabing istruktura, na sisindihan habang nagtatagisan ang mga atleta Asyano, ay nagkakahalaga ng P55 milyon — perang nailaan na raw sana sa pagpapatayo ng 50 silid-aralan, ayon kay Sen. Franklin Drilon.

"Tama ba na ipagpalit natin ang 50 silid-aralan para gumawa ng P50 milyong 'kaldero' na isang beses lang gagamitin?" sabi ni Drilon sa Inggles.

"Wasto ba 'yan? Tama ba? Balido?"

Dinepensahan naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang halagang ibubuhos dito sa dahilang "likhang-sining" ito.

"Work of art 'yan. Kahit na kaldero kung tignan 'yan ng iba, tinitignan natin 'yan bilang monumento," sabi ni Cayetano habang dinedepensahan ang gastusin para sa hosting ng 2019 SEA Games.

"Tinitignan natin ang mga atleta, at pagsimbulo siya sa pag-asa at ating kagustuhang lumaban. Tingin ko wasto lang."

Released/BCDA

Ayon pa kay Cayetano, na nangunguna sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee, mas mahal pa nga raw ang cauldron na ginamit ng Singapore noong sila ang nag-host ng palaro, na umabot sa P63 milyon.

Sinasabing ang yumaong pambansang alagad ng sining na si Francisco "Bobby" Mañosa ang nagdisenyo ng kaldero.

"Mahal ba? Oo, pero worth it 'yan, priceless, likhang-sining," sabi pa niya sa media.

Bagama't ginagamit ni Cayetano ang mga atleta para ipagtanggol ang milyun-milyong gastos sa nasabing bagay, hindi naman ito kinagat ng ilang Filipino athletes.

Matatandaang kinastigo rin ni Gretchen Malalad, karate gold medalist noong 2005 SEA Games, ang cauldron.

"'Walang budget! Walang budget! Hindi na approve.' Yan lagi naririnig ng mga atleta kapag nag request ng funds for training and exposure abroad," sabi niya noong Martes.

"Pero may budget ang gobyerno para sa 50M na kaldero. #supportourathletes"

Show comments