Aktres tambak ang iniinom na gamot, pangontra sa depression!

Direk Carlo

Kakambal ng bashing ang depresyon. Kapag hindi na kinakaya ng bina-bash ang mga negatibo at matitinding komento laban sa kanya, ang depresyon ay lumalala, kumikitil pa nga ng buhay.

Kaliwa’t kanang kuwento na ng depresyon ang nababasa natin, napapanood sa telebisyon, ‘yun ang itinuturong dahilan kung bakit nagpatiwakal ang biktima.

Kung mahina-hina ang kalooban ng bina-bash ay bibigay siya, pero kung matatag ang puso ng pinagpipistahan ay okey lang, malayo siya sa depresyon.

May isang female personality na dumadaan ngayon sa kaparehong sitwasyon. Regular siyang nagpupunta sa kanyang doktor, humihingi ng tulong, para hindi siya mapabilang sa mga taong tinatalo ng depresyon kaya napipi­litang kitilin ang kanilang buhay.

Kuwento ng aming source, “Pero hindi bashing ang dahilan ng pagkakaganyan niya, hindi niya ma-handle nang maayos ang mga nangyayari sa buhay niya.

“Nawasak ang lovelife niya, kasabay nu’n ang pagtumal ng career niya, paano na ang future ng mga batang umaasa sa kanya?

“Ang dami-dami niyang iniinom na gamot. May downers, may upper, nagkakahalu-halo na ‘yun sa bituka niya. Kapag naka-downer siya, e, tulog lang siya palagi!

“Basta, tulog lang siya maghapon, hindi na halos siya kumakain, kaya malaki ang ibinagsak ng weight niya. Kapag upper naman ang iniinom niyang pills, sobrang active niya naman!

“Kung anu-ano ang ginagawa niya, kung saan-saan siya nakararating, post siya nang post sa social media. Para na siyang nagha-hallucinate, marami siyang imbentong kuwento.

“Kapag downer na naman ang iniinom niya, tahimik ang mundo niya, hindi siya nararamdaman ng mga kapamilya at kaibigan niya, talagang wala siyang pakialam sa mundo!

“Wala naman siyang ibang taong sisihin sa mga nangyayari sa kanya kundi ang sarili lang niya. Siya ang gumagawa ng ikasisira niya, hindi niya kayang labanan ang mga challenges sa buhay niya.

“Nakapag-move-on na ang mga taong isinusumpa niya, maligaya na ngayon ang mga taong ‘yun, siya na lang ang naiiwan sa madilim na buhay na pinipili niya!

“Magpakatatag siya, matapang naman siya, di ba? Du’n niya gamitin ang katapangan niya! Hindi ‘yung ganyan na mismong mga kadugo niya, e, inaaway niya!” pagtatapos ng napapailing na­ming source.

Ubos! Direk Carlo Caparas nakabawi na sa pagluluksa

Makulimlim ang umagang ‘yun, nagbabadya ang bagyo, pero sa tinanggap naming maagang tawag ay parang sumikat nang matindi ang araw.

Si Tita Nene Mercado ang nasa kabilang linya, ang matagal nang pinagkakatiwalaan ng Mega Couple na sina Direk Carlo J. Caparas at Tita Donna Villa, napakasaya namin sa kanyang balita.

Nu’ng mismong umagang ‘yun ay nagsi­mula na uling magtrabaho si Direk Carlo, buhay na buhay na uli ang kanyang entusiyasmo sa pagdidirek, kasama ang kanyang anak na si Peach na magaling na ring direktor.

Mula nang pumanaw si Tita Donna Villa na mahal na mahal ng industriya ay parang pinanawan din ng interes si Direk Carlo sa kanyang trabaho. Araw-araw siyang nasa musoleo ni Tita Donna sa Cebu.

Sa pinakahuli naming pag-uusap sa tele­pono ni Direk Carlo nu’ng nakaraang taon ay tumatawid sa amin ang matindi pa ring lungkot na kanyang pinagdadaanan.

Walang araw na hindi siya dumadalaw sa musoleo ni Tita Donna, may mga panahon pa ngang du’n na siya nagpapalipas nang magdamag, talagang dinala ni Tita Donna sa kabilang buhay ang puso ni Direk Carlo.

Pero siguradong ngumingiti ngayon si Tita Donna, bumabalik na sa pagtatrabaho si Direk Carlo, at katuwang pa ang kanilang bunsong si Peach na sumusunod sa yapak ng kanyang ama.

Katuwang ang Viva Films ay ginagawa ngayon ni Direk Carlo J. Caparas ang pelikulang Ciudad, magkakasama sa pelikula sina Louise delos Reyes, AJ Muhlach, Dennis Padilla, Yayo Aguila at ang magkapatid na CJ at Peach Caparas.

Maraming maliligayahan sa pagiging aktibo na uli ni Direk Carlo J. Caparas, isa sa pinakamamahal na prodyuser ng industriya ng pelikulang Pilipino, na panahon na talaga dahil dalawang-kamay pa rin siyang iwewelkam ng mundong minahal niya at nagmamahal din sa kanila ni Tita Donna Villa.

Show comments