Ion muntik nang magtinda uli ng kakanin dahil sa bashing!

Vice & Ion

Halos hindi makapaniwala si Ion Perez sa parangal bilang ‘Breakthrough Artist of the Year’ na kanyang nakamit mula sa RAWR Awards kamakailan. Hindi raw kailan man sumagi sa isipan ng binata na makatatanggap siya ng tropeo bilang isang artista.

“Nagpapasalamat po ako na nabigyan ako ng ganito. Ni sa panaginip, ni sa guni-guni, hindi ko po naisip na mabibigyan ako ng ganito. Kaya ‘Nay, ‘yung kasama mong nagtitinda ng kakanin, may award na. ‘Di ko po lubos maisip na mabibigyan ako ng ganito eh. Maraming salamat po sa lahat ng taong sumusuporta sa akin at susuporta pa sa akin. Maraming-mara­ming salamat po sa inyong lahat,” emosyonal na pahayag ni Ion.

Bilang kasintahan ay masayang-masaya rin si Vice Ganda dahil sa narating ni Ion. Ayon sa Phenomenal Box Office Superstar ay minsan na raw naisipan ng nobyo na iwanan ang It’s Showtime.

“Si Ion po ay minsan nang nag-resign dito sa Showtime dahil sa sobrang bashing na inaabot niya. Hindi niya kaya, umiiyak siya lagi sa nanay niya. Sabi niya magtitinda na lang daw siya ulit ng kakanin sa Tarlac, kaya niya naman daw. Magbabantay na lang daw siya sa palengke,” kuwento ni Vice.

Napigilan lamang umano ng direktor ng naturang noontime show na si Bobet Vidanes ang pagbibitiw ni Ion mula sa kanilang programa.

“Kinausap lang siya ni direk Bobet. At ngayon nandirito siya dahil kinausap, pinagalitan siya ni direk Bobet para hindi siya huminto sa ginagawa niya. Simple lang ‘yung ginagawa mo Ion, pero ang dami mong napapangiti every day,” pagbabahagi ni Vice.

Maricel

Maricel pinatutularan si Piolo sa mga baguhang artista

Malaki ang paghanga ni Maricel Soriano kay Piolo Pascual bilang isang magaling at propes­yonal na aktor. Matatandaang nagkatrabaho ang dalawa sa pelikulang Mila noong 2001.

“Ang palaging ginagawa kong ehemplo pagdating sa ganito, si Papa P. Si Piolo kasi noong ginawa ko ‘yung Mila, alam mo napaka-professional and very punctual,” nakangiting pahayag ni Maricel.

Ayon sa Diamond Star ay si Piolo ang maaaring gawin na magandang ehemplo na dapat tularan ng bawat artista lalo na ang mga baguhan pa lamang sa industriya. “He’s always on the set na nagbabasa ng script. Dala-dala niya ‘yung unan niya at nagme-memo­rize ng script at walang kinakausap kundi ‘yung script niya. Kaya sabi ko noong panahon na ‘yon, sinabi ko na ‘to, na sana, kung meron mga artistang baguhan o pumapasok pa lang sa pag-aartista, tularan nila ‘yung atti­tude ni Piolo,” paglalahad ng beteranang aktres.   (Reports from JCC)

Show comments