Regine at Cherie taob kay Alex sa Best Actress award ng C1

Regine

Marami ang nasorpresa na si Alessandra de Rossi ang nahirang na Best Actress sa katatapos na C1 Originals awards night. Bago ang panalo ni Alex ay ang pangalan nina Regine Velasquez at Cherie Gil ang pinakamatunog na magiging mahigpit na magkalaban sa nasabing kategorya.

Masaya ang role ni Regine bilang isang biyuda na nakita ang kanyang namatay na asawa sa katauhan ng isang sikat na artista sa Yours Truly, Shirley.

Isang nakakatakot na kuwento naman ng isang mag-ina ang Tia Madre na ang trato ng ina na gina­gampanan ni Cherie sa kanyang anak ay nagbago nang sumapit ito ng 10 taong gulang.

Isang dreamer naman si Alex sa Lucid na ang panaginip ay nadadala niya sa tunay na buhay.

May nakita sigurong kakaiba ang mga bumuo ng panel of judges kaya nagbago ang ihip ng hangin na nagbigay ng magandang swerte kay Alex.

Kasama pa ring nanalo sina Gold Azeron, Best Actor, Metamorphosis; Sila Sila, Best Film; Topper Fabregas, Best Supporting Actor, Sila Sila; Jose Enrique Tiglao, Best Director, Metamorphosis.

Darren kaibigan lang ang turing kina Jayda at Cassy

Nakaka-proud naman itong si Darren Espanto, magtatapos siya ng high school with honors. Consistent siya dahil nangyari rin ito nang magtapos siya ng grades 11 at 12.

Ito ay sa kabila ng kanyang kaabalahan sa kanyang musika. Bukod sa napapanatili niya ang napakataas niyang posisyon bilang singer, kapuri-puri pa rin ang kasipagan niya sa kanyang pag-aaral.

Gumagawa na rin siya ng sarili niyang kanta.

May bago nga siyang kanta titled Sasagipin Kita. Isa rin siya sa 11 na singer sa Asya na naimbita para sa isang malakihang musical event.

Ang nakaka-proud pa sa 18 gulang na singer ay ang matagumpay niyang pag-iwas na bigyan prayoridad ang kanyang lovelife in favor of his career and studies. Mga kaibigan lang daw niya ang mga inili-link sa kanyang sina Jayda Avanzado at Cassy Legaspi.

Pinoy indie films biyaheng India

May bagong venue na naman ang ilan sa mga lokal nating pelikula. Apat ang rumampa sa 25th Kolkata International Film Festival sa Kolkata, India. Ito ang Gitarista ni Jason Orfalos (bida sina Cedrick Juan, Noel Comia, Jr., Anna Luna); Mindanao ni Brillante Mendoza (Judy Ann Santos, Allen Dizon); Ang Hupa ni Lav Diaz,  (Piolo Pascual, Shaina Magdayao); Latay ni Ralston Gonzales, (Allen Dizon, Lovi Poe, Snooky Serna, Mariel de Leon). Idinaos ang KIFF last Nob­yembre 8-15.

Angel nilaglag si Bea

Nadulas lang ba si Angel Locsin o sinadyang magbigay ng update sa lovelife ng bff niyang si Bea Alonzo nang mabanggit niyang may bagong kabanata sa buhay ng aktres matapos ang napaka-kontrobersyal na episode nito sa huli niyang nakarelasyon?

Bagaman at marami ang nagtatanong at hindi nakakakilala kay Dominic Roque, mas marami ang happy para sa aktres sa bago niyang pag-ibig.

 

Show comments