Anak nina Juday at Ryan naaksidente, Charo naghintay sa taping
Leah Navarro dineklarang persona Non-Grata, Lolit Solis dinemanda na-libel dahil sa chocolates
MANILA, Philippines — Marami pa ring interesado sa nangyayari sa pamilya Barretto pero marami na rin namang sawa na at nagsasabing tantanan na nila ang giyera sa social media.
Kung gusto raw nilang magkaalaman, ituloy ang demandahan para magkasubukan kung sino ang nagsasabi ng totoo sa kanila.
Pero ang talagang kinatataka nina Manay Lolit Solis, Manay Cristy Fermin and Mr. Fu ay kung bakit hindi masaway ng nanay nilang si Mrs. Inday Barretto ang mga anak na tumahan na sa kanilang away.
Ang pakiramdam kasi nila, ang nanay ang dapat nag-aayos ng kahit anong gulo ng pamilya pero bakit sa nangyayari sa Barretto, walang nagagawa ang kanilang 82-year old na ina?
Sa episode 38 ng Take It... Per Minute! (Me Ganun) ito ang isa sa mga pinag-usapan nila.
Ang tanong nila, dapat ba talagang nakisali pa ang ina nilang si Mommy Inday?
Paano raw nagagawa ng isang nanay na parang namamangka sa dalawang ilog. Na bukas kasama niya si Marjorie, the following day kasama naman niya sina Gretchen and Marjorie?Hindi ba raw niya kayang sabihin na ganito dapat ang gawin para magkatugma na?
Anyway, bakit nga ba walang katapusan ang bangayan nila?
Sabi nga ni Nay Cristy, aanhin mo ang ganda kung nilalantad mo naman ang mga baho mo sa publiko? “What is beauty if your party is dirty?” sabi ni Nay Cristy na totoo naman.
Kahit anong sosyal mo kung ganyan ang awayan ninyo, tatatak na ‘yun forever sa isip ng mga taong nakaalam ng kanilang giyera.
Labu-labo na nga ang mag-iina dahil may IG account na rin si Mommy Inday ng Barretto sister na diumano’y sinubukang saktan physically ni Marjorie na itinanggi nito.
Pero inamin naman ito ng kanilang mommy.
Anyway, nakakatawa naman ang naungkat na kuwento ni Nay Lolit sa Take It... kahapon.
Idinemanda pala siya noon ng libel ni Alma Moreno dahil lang sa pasalubong.
Hahaha. Yup, you read it right.
Naimbyerna raw kasi si Nay Lolit dahil yung mga ibang reporter na nakakausap niya binigyan ni Alma ng pasalubong noon from the States, pero siya wala.
Sa inis niya, ginawan siya ng open letter with matching panunumbat sa column niya sa magazine noon ni Nay Cristy. At ‘yun ang naging basis para sampahan siya ng kaso ni Alma dahil lang sa hindi siya nabigyan ng chocolates.
Hahaha.
Aminado naman si Manay Lolit na harbatera siya noon at ngayon na kering niyang gawin kahit saan.
Actually, hindi na niya kailangang mangharbat, pag nakita na siya ng mga potential sponsor niya, kusa na siyang binibigyan.
Si Mr. Fu naman ay may baong blind item tungkol sa isang actor na ginawa raw ‘motel’ ang isang Halloween party.
Wala raw kasing ginawa ang actor at isang model kundi maghalikan nang maghalikan. Kaya ang tanong nila, hindi ba nila kayang magbayad ng hotel room?
Anyway, pinag-usapan din sa no. 1 digital talkshow ang tungkol sa sobrang kabaitan ni Ma’am Charo Santos-Concio.
Imagine daw, naghintay si Ma’am Charo sa taping nang maaksidente ang anak ni Juday na si Luna.
Ayon kasi sa source sa Take It... Per Minute! (Me Ganun), nasa kalagitnaan ng taping ng Starla nang biglang tawagan si Juday ng yaya ng youngest daughter nila ni Ryan Agoncillo na may pumutok daw sa ulo ni Luna at kailangang isugod ito sa hospital.
Agad daw sumugod si Juday sa hospital para sa anak kaya na-hold ang taping nila for four hours at kasama nga sa naghintay si Ma’am Charo.
Wow. Kakabilib si Ma’am Charo at si Juday.
Isa pa sa pinag-usapan kahapon sa Take It... ang tungkol sa pagkabaliw ng local stars natin sa Korean stars / singers.
Feeling ng tatlong beteranong host, malaki ang epekto ng pagpo-promote nila ng kanilang pagka-fan sa movie industry natin.
Hindi nga naman kumikita ang mga Tagalog film ngayon at parang hirap na hirap kumbinsihin ang fans na manood naman.
Kaya ang comment ni Manay Lolit, tantanan na ng mga artistang ito ang pagpo-promote ng mga Korean stars / singer.
At kung puring-puri naman si Angel Locsin sa ginawang pagtulong sa mga nilindol sa Mindanao, kabaliktaran naman ang naging kapalaran ng singer na si Leah Navarro na dineklarang persona non grata sa General Santos City.
Ito ay matapos siyang mag-comment ng ‘retribution’ tungkol sa nangyaring sunud-sunod na paglindol sa Mindanao. Sumagot si Leah sa tanong ni former Supreme Court spokesman Theodore Te na “What’s with all the earthquakes in Mindanao?”
Ayon sa inilabas na resolution ng City Council ng General Santos City : “She deserves no less the widest and deepest denunciation by the people who suffered from physical and psychological trauma.”
Deleted na ang nasabing tweet ng dating singer at nanghingi na rin siya ng apology : “ I apologized and deleted my tweet, but they just can’t find in their hearts to forgive my one-word reply in the form of a question,” ang kanyang latest tweet.
Anyway, maraming salamat sa lahat ng loyal viewers ng Take It... na laging nakatutok every Tuesday na habit nang panoorin lalo na ng mga kababayan nating nasa abroad at laging naghahanap ng pampapasaya.
Sa mga ‘di pa nakakapanood, i-like and follow lang ang Pilipino Star NGAYON and PSN Latest Chika Facebook page para maki-team replay.
- Latest