Female personality nakapagpasok ng spy sa kaaway!

Puwede palang magtrabaho bilang undercover agent ang isang kilalang female personality. Magaling siyang pumara-pa­raan. Nakagagawa siya ng mga hakbang na hindi nararamdaman ng kanyang subject.

Imposible niyang mapasok ang balwarte ng kanyang kalaban, malabong mangyari ‘yun, pero nagiging posible ang kanyang mga plano sa pagpoposte ng tao niya sa mismong lugar na hindi niya mapasok.

Kuwento ng aming source, “Takang-taka kasi ang isang kalaban niya kung paano niya nalalaman ang mga nangyayari sa loob ng bahay ng kaaway niya.

“Hindi naman siya nakapapasok sa place, wala namang camera na itinanim du’n ang girl para masubaybayan ang galaw nilang mag-anak!

“Pero bakit nalalaman ng girl ang mga nangyayari? Bakit nakakarating sa female personality pati ang pinag-uusapan ng buong pamilya?” nagtataka ring kuwento ng aming impormante.

Huli na nang malaman ng pamilya na meron pala silang kasambahay na ang female perso­nality mismo ang nagpasok sa kanila nang wala silang kamalay-malay.

Patuloy ng aming source, “Nakakaloka! ‘Yun palang kasambahay na ‘yun ang nagre-report ng mga nangyayari sa place! Kaya pala nu’ng mag-abroad ang pamilya, e, nakarating agad ‘yun sa female personality!

“Nalaman niya agad, kaya nakapagpatutsada na naman siya nang bonggang-bongga! Pinaringgan niya ang itinuturing niyang kaaway ng kung anu-anong pangmemenos!

“Kesyo wala na nga raw pera, e, may pa-abroad-abroad pa, samantalang kumikita rin naman ang kaaway na itinuturing niya! Saka bigay na trip ‘yun ng anak ng kaaway niya, maganda ang kinikita ng bagets, kaya nakapagta-travel silang mag-anak!

“Pero ang nakakaloka talaga, e, merong tao sa loob ng bahay nila ang female personality. Wala silang puwedeng pagdudahang naglalabas ng mga kuwento kundi ang bago nilang maid-of-cotton!

“Nang alisin nila ang kasambahay, du’n nila nalaman na totoo nga, tao ng female personality ang inirekomendang maid sa kanila!

“Mula nu’n, e, natahimik na ang buhay ng pamilya, wala nang lumalabas na mga impormasyon, wala nang maibatong pangmamaliit sa kanila ang female personality.

“Nakakatakot siya, ha? Marami siyang alam, marami siyang nagagawang paraan para mapasok niya ang balwarte ng kalaban niya! Mafiatic ang female personality na ito!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Mommy Inday nagagamit ng mga anak!

Mula sa mga patutsadahan sa social media ay nauwi sa totohanan ang away ng magkakapatid na Barretto sa mismong lamay ng kanilang ama. Pinagpistahan ‘yun maging sa ibang bansa.

Nang i-cremate na ang mga labi ng namayapa nilang ama ay naisip ng mga kababayan natin, siguro nama’y mananahimik na ang magkakapatid, pero hindi pa rin pala.

May mga video footage pang naglalabasan ngayon, si Marjorie ang pinupuruhan, ang naglalabas naman ay sina Gretchen at Claudine.

Magulang ang karaniwang umaayos sa problema kapag nag-aaway-away ang kanyang mga anak. Pero mukhang hindi talaga kayang supilin ni Mommy Inday ang kanyang mga supling, parang wala na silang pinakikinggan at nirerespetong nakatatanda sa kanila, nakalulungkot na senaryo.

Dahil si Marjorie ang idinidiin ng kanyang mga kapatid ay isa na lang ang kanyang naisip, magkita sila sa korte ni Claudine para du’n patunayan ng kanilang bunso ang mga pasabog na inilalantad nito, sa husgado na lang sila maglaban at huwag sa mata ng publiko.

Pinayuhan din ni Marjorie si Claudine na inumin nang maayos ang kanyang mga gamot, lantad naman sa buong bayan na nakiki­pagkita talaga si Claudine sa kanyang psychiatrist, pero bumuwelta ito sa kanyang ate.

Hindi maganda sa imahe ni Marjorie bilang anak ang may magpapatotoong matagal na niyang sinasaktan nang pisikal ang kanyang ina. Napakanega nu’n.

Kaya plano na niyang magsumbong sa korte, du’n na lang niya isisiwalat ang lahat-lahat, hindi sa social media kung saan kahit sino na lang ay puwedeng makisawsaw sa kanilang mga problema.

Show comments