Sarah ‘di nagpasapaw sa mga eksena
Mukhang swerte si Sarah Geronimo sa IdeaFirst, kumpanya nina Jun Lana at Perci Intalan na nakipag-collaborate sa Viva Films na nagsimula ng karera ni Sarah bilang artista at patuloy siyang itinataguyod hanggang ngayong isa na siyang Pop Royalty.
Sa tinagal-tagal ng paggawa niya ng mga pelikula, maituturing na pinakamaganda sa ginawa niya itong Unforgettable story wise. Mayro’n na siyang ginawang romcom pero, itong huli ay isang hindi nagpakilig kundi nagpasaya ng puso ng maraming matagal nang hindi nakakapanood ng ganitong genre ng pelikula, isang kuwento ng pagmamahalan sa pagitan ng isang maglola at ang relasyon nila sa isang aso.
Mas may promise ang acting ni Sarah sa Unforgettable kaysa sa Miss Granny na kung saan ay kinilala ang kanyang acting. Solo niya ang recognition sa Unforgettable kahit pa magagaling ang mga suporta niya gaya nina Kim Molina, Gina Pareño, Ara Mina hindi nila siya nanakawan ng eksena na tulad ng ginawa ni Nova Villa sa Miss Granny.
Malaki rin ang hatak ng asong si Milo. First time ito in a long time na bumida ang isang aso sa movie. Maganda pero kakaiba ang atake ni Sarah bilang isang may autism, iba sa ginawa nina Ken Chan at Arjo Atayde sa mga project nila pero, mas bagay sa estado niya bilang artista.
Arjo, napa-praning na sa pagko-kontrabida
Hindi ipinagkakaila ni Arjo Atayde na mapili na siya sa pagtanggap ng mga role ngayon.
Ayaw na kasi niyang gumanap ng magkakaparehong character na nalilimitahan ang kanyang kakayahang umarte. Ayaw na rin muna niyang gumanap bilang kontrabida dahil napapapraning siya’t naiuuwi ng bahay nila ang kanyang character. Pwede namang maging mapamili ng roles ng magaling na aktor dahil marami naman siyang assignments.
Nanghihinayang nga siya’t meron siya napapalampas at hindi natatanggap na projects. Wish lamang niya na muling mabigyan ng opportunity para makasamang muli ‘yung mga artista sa mga hindi niya natanggap na projects.
Mga singer mas napapansin ‘pag nagiging grupo
Maganda yung nagaganap na paggugrupo-grupo sa mga maraming sumasali sa mga singing contest pero, nahihirapang umarangkada’t sumikat.
Bentahe ito sa mga natatalong kontisero dahil nabibigyan sila ng mas magandang oportunidad na makilala pa kahit bilang grupo at hindi solo. Magandang inspirasyon ang TNT Boys nina Kiefer, Mackie at Francis na nagsimula bilang solo sa TNT pero, bumibida bilang isang trio na mas napapatungan pa ang kasikatan ng naging kampyon.
Bentahe rin ito kina Elha Nympha, Zephanie Dimaranan and Janine Berdine na mas dumarami ang guesting ngayong trio na sila. Ganun din nina Lucas Garcia, Matty Juniosa at Enzo Alamario na unti-unti nang nakikilala ang trio nilang iDolls.
- Latest