MANILA, Philippines — Para sa mga masusugid na viewers ng hit Youtube channel at website na "Raffy Tulfo in Action," maghanda na kayong mag-binge watch.
Mado-download na kasi sa Google Play Store ang isang app kung saan maaaring mapanuod ang lahat ang viral at kontrobersyal na public service show.
Pinangalanang "Tulflix: Tulfo and Chill," pormal itong inilunsad sa Play Store noong ika-7 ng Oktubre at umani na ng mahigit 5,000 downloads simula nang isapubliko ito.
Sa ngayon, tanging sa mga Android phones and tablets lang ito magagamit at wala pa sa Apple App Store para sa iPhone at iPad.
Pero paliwanag ng mga developers ng app, hindi ito opisyal na inilabas ng mga nasa likod ng show.
"This app is an unofficial channel app and we are not affiliated, associated, authorized, endorsed by or in any officially connected with Idol Raffy Tulfo," sabi ng mga nag-upload ng aplikasyon.
Aniya, gumagamit ang app ng Youtube API para kunin ang lahat ng videos mula sa official channel sa layuning "matulungang magkaroon ng mas maraming views" si Tulfo.
Kapansin-pansin namang kahawig nito ang itsura ng sikat na online streaming platform na Netflix, mula sa kulay at font ng text.
Ibinase sa palatuntunang "Wanted sa Radyo" at "Itimbre Mo kay Tulfo" segment ng "Aksyon sa Tanghali," matatandaang inilarga ang website ng "Raffy Tulfo In Action" noong Hulyo 2016.
Malimit na nagtutungo ang ilang tao palabas upang humingi ng tulong sa mga isyung ligal, personal at sa empleyo.
Kilala sa kanyang "hard-hitting" na estilo ng pamamahayag at pagtatanong, madalas na ilapit kay Tulfo ang ilang alitang maselan, na nagiging katatawanan naman para sa ilang netizens.
Aabot na sa 7.74 milyon ang Youtube subscribers nito sa ngayon, dahilan para itanghal sila ng Social Blade bilang #2 Youtuber sa Pilipinas.