Malaki na ang ipinagbago ng buhay ni Zephanie Dimaranan mula nang manalo sa Search for the Idol Philippines. Ayon sa singer ay talagang hindi niya inasahan ang lahat nang nangyayari sa kanya ngayon.
“Marami po akong nakikilala na new friends dito sa industry and habang tumatagal po mas nag-e-enjoy po ako. Kasi dati iniisip ko lang, ngayon nakakamit ko na siya. After ko po manalo sa Idol Philippines sobrang dami na pong changes. Lahat po ‘yun sobrang positive na ang dami ko na po na-inspire na katulad kong dreamers, and mas nasi-share ko po ‘yung talent na binigay sa akin ni Lord,” nakangiting pahayag ni Zephanie.
Regular na napapanood ngayon sa ASAP Natin ‘To ang dalaga. Para kay Zephanie ay masarap sa pakiramdam na nakatutulong sa pamilya na kanyang nagagawa sa kasalukuyan.
“Marami na po akong regalo sa sarili ko. Siguro i-count ko na rin po doon ang naging regalo ko sa family ko. Kasi ‘yung maibahagi ko po ‘yung blessing na binigay sa akin ni Lord, parang ako na rin po ang nakatanggap ng blessing na ‘yon,” makahulugang pahayag ng singer.
Todong paghahanda na ang ginagawa ngayon ng dalaga para sa nalalapit na major concert sa November 28. Magiging special guest sa Zephanie concert sina Sarah Geronimo at Regine Velasquez na gaganapin sa New Frontier Theater.
Ariella gumaling mag-host dahil sa bashers
Nanalo bilang Best Morning Show Hosts sa katatapos pa lamang na PMPC Star Awards for TV sina Anthony Taberna, Jorge Cariño, Gretchen Ho, Amy Perez, Winnie Cordero at Ariel Ureta para sa Umagang Kay Ganda.
Si Ariella Arida ang pinakabagong host ng naturang programa kaya proud din ang dalaga sa nakamit na parangal.
Malaki umano ang naitulong kay Ariella ng mga kritisismo na kanyang nababasa noon sa social media tungkol sa kanyang pagiging host.
“Naiintindihan ko sila (netizens) lahat doon naman nagsimula. Tini-take ko siya as positive and it helps din kasi sila ang nakakapanood sa akin,” pagtatapat ni Ariella.
Malaki ang pasasalamat ng beauty queen sa pamunuan ng UKG dahil sa pagtitiwala sa kanya bilang host. Para kay Ariella ay malaki ang naitutulong sa kanya ng programa upang mapaghusay pa ang hosting.
(Reports from JCC)