Nabuko kaya nagka-problema
Pinabulaanan ng mga taga-Binibining Pilipinas Charities, Inc. ang pasabog na inilabas ng Binibining Pilipinas Grand International na si Samantha Ashley Lo na pinabayaan siya nang nagkaproblema ito sa immigration sa Paris, France.
Humarap sila sa media kahapon at doon ay sinagot nila ang isyu kaugnay sa insidenteng muntik nang hindi makasali si Samantha sa Miss Grand International 2019 na ginanap sa Caracas, Venezuela.
Sa statement na ipinahayag ng pamunuan ng BPCI, nagkaproblema raw ang passport ni Samantha pagdating niya ng Paris.
Na-hold ito at ipina-deport pabalik siya ng bansa dahil sa problema nito sa passport.
Kaagad na nakipag-meeting daw ang BPCI kay Samantha kasama ang mga magulang nito at mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs.
Dito ay inamin daw ng mga magulang ni Samantha na ipinalakad pala nila sa fixer ang Philippine passport nito na naging dahilan nang pagka-hold sa kanya sa immigration sa Paris.
Bagamat nagpahayag ang pamunuan ng Binibini na tutulungan nila si Samantha na maayos ang kanyang dokumento, bigla na lang daw itong nawala.
Nagulat na lang daw ang mga taga-Binibini na nitong Sabado ay nakita na si Samantha sa Caracas para ipagpatuloy ang laban nito sa Miss Grand International.
Doon na rin siya naglabas sa kanyang Instagram ng kanyang kuwento at nabanggit niyang hindi siya tinulungan ng local organizer na obvious namang ang Binibini ang tinutukoy.
Itinanggi nila ang paratang na ito ni Samantha.
Nang nabalitaan daw nila itong nangyari sa beauty queen, kaagad na nakipag-ugnayan daw sila sa DFA.
Sinikap pa raw nilang tulungan ito pero hindi na raw nila na-contact pagkatapos ng kanilang meeting.
Binigyang diin pa ng pamunuan ng BPCI na sa ilang dekadang pagpapadala ng Pilipinas ng kandidata sa mga international beauty competitions, ngayon lang daw nila ito naranasang magkaproblema sa dokumento dahil laging ipinapaalala ang paggamit ng tamang dokumento sa ibang bansa, lalo na ang passport.
Ayaw na nga raw sana nilang palakihin pa ito, pero naglabas kasi si Samantha sa kanyang social media account, kaya kailangan nilang sagutin.
Sa kabila ng hindi magandang balitang ito, hangad pa rin siyempre ng taga-Binibini ang tagumpay ni Samantha sa Miss Grand International.
Wala pa tayong nasungkit na ganitong korona, pero kailangan ba?
‘Di ba may kanegahan din silang dala nang manalo si Catriona Gray sa Miss Universe?
Tingnan muna natin kung gaano ba ka-grand ang titulong ito sa international competition.
Maine at Carlo naka-P30M pa lang
Mag-iisang linggo pa lang sa mga sinehan ang pelikulang Isa Pa With Feelings na bida sina Maine Mendoza at Carlo Aquino pero ang dami nang naka-schedule na screening sa ibang bansa.
May screening ngayong araw sa Japan. Meron din sa Middle East at Papua New Guinea sa October 24. Sa October 25 naman sa US, Canada and Saipan, October 26 sa UK at Ireland, October 27 sa Italy, Spain at Greece, October 28 sa Cosenza, Italy, October 31 sa Australia at New Zealand, November 3 sa Norway at France, November 7 sa Brunei, at sa Parma, Italy sa November 7.
Inaasahang mas tataas pa ito dahil sa mga international screenings.
Pero ayon sa nakuha naming box-office report nung nakaraang weekend, naka-14M mahigit lang daw ang naturang pelikula kaya tantiyang naka-30M na raw ito sa loob na limang araw sa mga sinehan.
Okay na ito kung tutuusin dahil hindi naman ito kasing laki ng Hello, Love, Goodbye nina Alden Richards at Kathryn Bernardo.
Teka, napanood na kaya ni Alden ang naturang pelikula?
Tinanong ko ang handler ng bida ng The Gift, aalamin pa raw nila kay Alden.
Pero tumulong naman siyang mag-promote sa social media.
Ayon sa nasagap pa namin, mga 150M or 200M daw ang target ng Black Sheep na kikitain ng Isa Pa With Feelings, na sana maabot nila dahil bukas ay magsisimula nang mag-showing ang Unforgettable ni Sarah Geronimo ng Viva Films.
Posibleng mabawasan pa sila nga audience niyan. Pero sana patuloy pa rin itong suportahan ng mga fans, lalo na ang mga AlDub fans na alam namin sumuporta naman sila sa pelikula noon ni Alden.