Mayor Isko tuloy na sa pelikula ni Sen. Manny!
Masuwerte talaga ang bagong mayor ng Maynila na si Isko Moreno. Bukod sa nabigyan siya ng pagkakataon na makapagsilbi sa minamahal niyang lungsod at sa mga kapwa niya Manilenyo, mababalikan pa niya ang unang trabaho na nagpakilala sa kanya sa publiko, ang pagiging artista.
Medyo matagal na ring absent si Mayor Isko sa pag-arte, bagama’t madalas siyang nakikita sa TV dahil sa kanyang pagiging public servant.
Ngayon, isang bagong producer ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon na lumabas uli sa isang pelikula na pagbibidahan ni Sen. Manny Pacquiao. Gaganap silang pareho sa isang historical film tungkol sa buhay ni Heneral Miguel Malvar, isang war hero mula sa Batangas.
Sa kabila ng kontrobersya sa pelikula, nagsimula na ng shooting ang Malvar. Kasama rin sa movie si Mayor Isko na gaganap naman bilang Andres Bonifacio.
Ang TF na matatanggap niya for the project ay ido-donate niya sa PGH.
Sinisiguro naman ng produksyon na mapapaganda ang pelikula kaya tinambakan nila ito ng malalaking artista. Nandoon sina Alden Richards as Jose Rizal, Daniel Fernando as Emilio Jacinto, ER Ejercito as Emilio Aguinaldo at John Arcilla as Heneral Luna. Kapag tinanggap ni Cong. Vilma Santos ang role ni Tandang Sora sa movie ay star-studded na talaga ito.
Paolo at nanay ng anak, BFF ang turingan
Sa kabila ng hindi pagkakatuloy ng relasyon ni Paolo Ballesteros sa ina ng kanyang anak na si Keira na si Katrina Nevada, naging mabuti pa rin silang magkaibigan. Natutugunan pa rin ni Paolo ang kanyang pagiging ama.
Ipinahihiram si Keira ng kanyang ina kay Paolo regularly, pero sa poder pa rin ito ni Katrina nakatira.
Kahit magkahiwalay ang kanyang magulang, nae-enjoy ni Keira ang lahat ng magagandang bagay.
Madalas ang bonding ng tatlo na parang buo sila at magkakasama. Maraming estranged couple ang walang ganitong closeness pero sila Paolo at Katrina ay the best of friends, at ang anak nila ay the happiest child.
Priscilla Almeda lumutang na kontrabida
Balik-showbiz na nga kaya ang isa sa pinakaseksing artista noong panahon niya bago ang milenya na si Priscilla Almeda?
Mahabang panahong hindi nakita si Priscilla dahil 15 taon itong nanirahan sa Canada kasama ang tatlong anak. Pero kamakailan lang ay nabigyan siya ng pagkakataong balikan ang kanyang pag-aartista bilang isang kontrabida sa seryeng Kadenang Ginto.
Ganitong roles daw ang gusto niyang ma-experience ngayon.
Sumikat siya at nakilala nung panahon ng mga guwapings. Dalawang beses niyang naging leading man si Mayor Isko sa pelikula ng Seiko na Layuan Mo Ako (1996) at Exploitation (1997).
Mga contestant sa TC, umuwing luhaan
Sino kaya ang nagdadamit at nag-aayos sa mga kalahok ng The Clash? Magaganda ang mga suot nila at mukha silang mga artista sa ayos nila. Magastos ito kung sagot ng network dahil nasa round 2 pa lang sila at marami pa ang kalahok.
Ilan kaya ang dapat matira para makapasok sila ng semis? Wala mang gong sa The Clash, pero parang ganun na rin ang nangyari sa dalawang naglaban nung Linggo nang walang manalo sa kanila, pareho silang umuwing luhaan. First time itong mangyari sa TC.
- Latest