Magkahalong emosyon ang naramdaman ni Baron Geisler sa pagkamatay ng kanyang karakter bilang si Bungo sa teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano. “Sobrang saya ko, bitter-sweet. Bitter dahil mami-miss ko ‘yung mga taong nakasama ko for seven months sa show. Opo, gano’n na katagal at gano’n kabilis. Sweet naman dahil makaka-release na ako do’n sa masama kong character. Kasi lalo na ngayon na marami pa akong proyektong gagawin for the Knights of the Circle, ‘yung Christian group namin. Makaka-focus na ako do’n sa mga proyekto namin as ambassador,” paliwanag ni Baron.
Malaki ang pasasalamat ng aktor sa bida at isa sa mga direktor na naturang serye na si Coco Martin dahil sa pagbibigay importansya nito sa kanyang karakter. “Unang-una, no’ng kinausap pa lang ako sa umpisa ni Direk Coco, sabi niya malaking role ito. So ayusin ko, inayos ko naman. Wala naman silang naging problema. Kaya siguro nila ako binigyan ng magandang ending. Madali ka naman patayin do’n. Happy ako sa ending ko kahit patay na siya, patay ‘yung Bungo. Happy para sa akin at nakalabas na rin ako sa gano’n kasamang character ko kasi hindi talaga ako nakaka-focus eh. Opposite siya sa gusto kong gawin as ambassador,” pagbabahagi niya.
Kung mabibigyang muli ng pagkakataon na gumanap bilang isang kontrabida ay nakikiusap si Baron na sana ay huwag kasing-sama ng karakter niya bilang si Bungo. “Huwag naman, kasi ang sama niya eh. Nakakadala minsan eh, nakakabagsak ng soul, nagme-med prayer ako and meditation. Tapos pupunta ako do’n (sa taping) para sumigaw, puro kasamaan. Contradicting siya do’n sa calling ko. So ang hirap, ang hirap timplahin, nakakagulo ng utak,” paglalahad ng aktor.
Christian may kakaibang luho
Kabi-kabilang acting awards na ang napanalunan ni Christian Bables mula nang mag-umpisa sa show business. Kamakailan ay dalawang international awards ang nasungkit ng aktor para sa pelikulang Signal Rock. Nanalong Best Leading Actor si Christian sa Hanoi International Film Festival at Bright Star Award naman ang naiuwi mula sa 2019 Asian Pop-up Cinema. Dahil dito ay may bulung-bulungan na posible umanong magtaas ng talent fee si Christian. “Si tito Boy po ang makakasagot, pero nangingiti ako, sana,” pabirong pahayag ni Christian.
Bukod sa pag-arte ay abala rin ang aktor sa kanilang family business na Click Aces Marketing Solutions. Isa itong advertising and manpower company. “Bukod sa kinikita kong personal, sa aking pagiging actor, shareholder din ako sa company namin. So may kita rin ako do’n,” pagtatapat ng binata.
Kahit maraming kinikita ngayon ay wala naman daw plano si Christian na bumili ng bagong bahay. “Hindi muna, ayoko muna, more on travel (inilalaan ang pera). Ang luho ko ay ‘yung pasayahin ang mga kapatid ko,” pagtatapos niya. Reports from JCC