FDCP mamimigay ng P8 million incentives sa ‘FilmPhilippines’
MANILA, Philippines — Para maengganyo ang international film productions na mag-shoot at mag-trabaho sa Pilipinas, inilunsad ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang dalawa nitong bagong film incentives sa ginanap sa annual Philippine Cinema Night sa Busan International Film Festival (BIFF) noong Oktubre 6 sa Haeundae Rooftop Bar. Ang nasabing incentive program ay isinapubliko rin sa welcome reception sa Asian Film Market noong Oktubre 5.
Sa ilalim ng programang FilmPhilippines, ginawa ang location incentive schemes para magbigay ng isang holistic experience habang nagshu-shoot sa bansa, pati na rin ng financial support sa international productions at co-productions na may Filipino producers na gagastos ng hindi bababa sa P8 million ($154,000 USD) sa Pilipinas para sa production at post-production ng pelikula.
Ang mga programang ito diumano ang isa sa mga hakbang ng FDCP para tulungang maging global ang audiovisual industry.
Kaakibat din ng mga programa ang Let’s Create Together campaign ng FDCP kung saan ibinibida ang Pilipinas bilang isang bansa na may industriyang bukas sa pagpo-produce ng makabuluhan, nakakalibang, at magandang content.
Ang full feature films sa kahit anong genre at format—live action, documentary, animation, short films, television series, at web content series o content para sa alternative distribution platforms—na nakikipagtulungan sa isang duly-registered Philippine line producer ay maaaring mag-apply para sa Film Location Incentive Program (FLIP).
Para naman sa International Co-Production Fund (ICOF), puwedeng mag-apply dito ang Filipino feature film projects sa kahit anong format na may international co-production.
Qualified din sa pag-apply para sa incentives ang projects sa kahit anong stage—pre-production, production, or post-production—na may minimum production expenditure na P8 million ($155,000 USD) sa Pilipinas.
Kapag approved na diumano, isang cash rebate mula 10% hanggang 40% ng qualifying production costs na nagkakahalaga ng hanggang P10 million ($193,000 USD) ang puwedeng i-avail sa pamamagitan ng FLIP o ICOF.
Bukas ang aplikasyon para sa incentive schemes simula Enero 2020 ayon pa sa FDCP.
“There is no better way to underscore the celebration of the One Hundred Years of Philippine Cinema than to finally give our Filipino filmmakers and the Philippines the leverage that it needs to be globally competitive,” sabi ni FDCP Chairperson and CEO Liza Diño.
Pinangunahan ng FDCP ang malaking Filipino delegation ngayong taon sa Busan IFF at AFM sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng ika-Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino.
- Latest