Ngayon pala ang huling gabi ng lamay para kay Amalia Fuentes na pumanaw noong Sabado, October 5, 2019.
Nakaburol ang mga labi ni Amalia sa Mount Carmel Shrine sa New Manila, Quezon City pero may oras ang public viewing.
Unang ibinurol si Amalia sa Arlington Memorial Chapels and Crematorium sa Araneta Avenue, Quezon City noong Sabado nang gabi pero private viewing daw ito para sa kanyang pamilya.
Dinala kahapon, Linggo, sa Mount Carmel Shrine si Amalia para sa public viewing na nagsimula ng 7 pm hanggang 12 midnight.
Ngayong Lunes, mula ala-una nang hapon hanggang alas-dose nang hatinggabi ang public viewing pero magkakaroon ng 7:30 pm na Holy Mass.
Ihahatid bukas, Martes, si Amalia sa kanyang final resting place pero hindi pa sinasabi ng pamilya niya ang lugar. Magkakaroon muna ng 8 am mass sa Mount Carmel Shrine at nakatakda ng 9 am ang kanyang libing.
Tony Mabesa maraming alaala
May kanya-kanya ring kuwento ang mga artista tungkol kay Tony Mabesa na nakatrabaho nila sa pelikula, stageplays at telebisyon.
Isa si Isay Alvarez sa may anekdota tungkol kay Tony noong nag-uumpisa pa lamang ang kanyang career bilang stage actress. Ito ang hindi malilimutan na kuwento ni Isay tungkol sa actor-director na tinagurian na Lion of the Theater na pumanaw naman noong Biyernes, October 4, 2019. As of presstime, hindi pa naglalabas ng detalye ang naulilang pamilya ni Tony tungkol sa araw ng libing niya.
“Sinigawan niya ako nang sobrang lakas..dumagundong ang MET Theater! Aniya.. ‘OY ISAY, AKALA MO CUTE KA? HINDI PANGIT KA! PANGIT KA!’
“Nagulat ako dahil nagkukuyakoy ako sa gilid ng stage habang siya ay nagbibigay ng nagno-notes. I think I was 19 then...working student and starting my career in theater.
“Pero mula noong nasigawan ako, lagi na akong “all ears kapag may notes session at dinala ko ang aral na ito hanggang sa pagtanda.
“Hindi na ako nasigawan nang sino mang direktor mula noon.
“Sa tuwing nagkikita kami sa mga pagtitipon at mga palabas, palagi niya akong tinatawag at niyayakap sabay..’Isay.. kamusta ka na?’
“I love you Tony and thank you for being YOU..a loving mentor to many of us. Rest in peace.”
Tamang panahon ni Arra dumating na
Mapapanood simula ngayong hapon ang Madrasta, ang afternoon drama series na pinagbibidahan nina Juancho Trivino at Arra San Agustin.
Maligayang-maligaya si Arra dahil sa wakas, siya ang bidang aktres sa Madrasta na hudyat ng pagwawakas ng paghihintay niya sa malaking break sa telebisyon na kanyang pinakaasam-asam.
Si Arra ang leading lady noon ni Ken Chan sa My Special Tatay pero ang karakter ni Rita Daniela ang napansin.
Siguro nga, hindi pa ‘yon ang tamang panahon para kay Arra pero hindi siya nainip,nagmadali o nagreklamo. Naghintay si Arra at dumating nga ang Madrasta.
Pinaghandaan na mabuti ni Arra ang role niya sa teleserye na tinatampukan niya. Nanood siya ng mga pelikula at siyempre, malaking tulong sa kanya ang acting workshop ng American acting coach na si Anthony Bova.