Sayang at hindi ko na nahintay ang pagdating ni Manila Mayor Isko Moreno sa isang selebrasyon ng kanyang panalo sa mayoral election sa Lungsod ng Maynila. Lampas alas-12 na ng gabi siya dumating sa party na inorganisa ng mga dating miyembro ng matagumpay na programa ng namayapang si Kuya Germs na siyang nagtatag ng napakamatagumpay na programang That’s Entertainment. Isang double celebration ang ginanap, isa ay selebrasyon ni Mayor Isko at ang ikalawa ay para sa birthday ng Master Showman na isinilang ng October 4. Isang plaque of recognition ang ipinagkaloob sa bagong Mayor ng Maynila ng That’s Entertainment.
Hindi naman nainip sa paghihintay sa kanya ang mga dumating na taga-Thats... na ang party ay nagsimula ng 6NG pero, dumating ito ng hatinggabi. Hindi na siya tinanong ng mga dinatnan niya kung bakit.
Ang mahalaga ay dumating siya’t nagawang makipagsaya sa kanyang mga dating kasamahan na hindi magkamayaw ng pagpapakuha ng litrato na kasama siya. Ang party ay ginanap sa Salu Restaurant ni Harlene Bautista na nasa Sct. Rallos na ngayon. Higit 100 That’s...members ang dumating na pinangunahan nina Ian Veneracion, Vina Morales, Assunta de Rossi, Tina Paner, Nadia Montenegro, Patricia Javier, Marilyn Villamayor, Ramon Christopher, Jennifer Sevilla, Marco Ballesteros, Karen Timbol, Sharmaine Arnaiz, Jovit Moya, Smokey Manaloto, Dranreb Belleza, Ana Abiera, Melissa Gibbs at marami pa.
Habang naghihintay kay Yorme Isko, ginugol ng mga bisita ang panahon sa pagkanta, pagsasayaw at masayang kainan. Magaling pa ring kumanta si Ronel Wolfe, Romano Vazquez, Vina, Marilyn. Nagsilbing host ng kasayahan si John Nite. Naroon din at naki-party ang nag-iisang anak ni Kuya Germs na si Federico Moreno. Planong gawing regular ang reunion ng That’s Entertainment na inuungutan na ring gayahin ng mga host ng GMA Supershow. Baka sa susunod na taon ay regular nang maganap ang reunion ng mga artista ng dalawang programa ni Kuya Germs. Wish lang namin at marahil ng maraming taga-That’s ay mabigyan din ng panahon ng mga sikat nilang kasamahan ang kanilang pagkikita-kita. Na-miss sa affair sina Judy Ann Santos, Billy Crawford, Piolo Pascual, Sheryl Cruz, Manilyn Reynes, Jestoni Alarcon, Donita Rose, Gary Estrada, Ara Mina, etc. Nakasama sa pagpaplano ng event ang isa sa mga naging sekretarya ni Kuya Germs na si Carmelites Rigonan. Sinimulan ang event sa isang banal na misa.
Imelda kinuyog ng media
Kinuyog din ng media ang pa-presscon ni Imelda Papin para sa kanyang Imelda Papin Queen @45 concert na magaganap sa October 26, 2019, 6PM sa Philippine Arena. Natutuwang ibinalita ng Sentimental Songstress, Undisputed Jukebox Queen at ngayon ay Vice Governor ng Camarines Sur na 80% sold out na ang mga tiket sa kanyang malaking palabas na magsisilbi ring selebrasyon ng kanyang pamamayani sa mundo ng musika hanggang ngayon.
Kasama niyang tinanggap ng media sina Sonny Parsons ng Hagibis at Eva Eugenio na dalawa lamang sa napakaraming pumayag na mag-guest sa concert niya.
Namamayagpag sa ere sa kasalukuyan ang millennial version ni LA Santos ng Isang Linggong Pag-ibig. Kasama rin ang kabataang singer sa concert na tatampukan din nina Pilita Corrales, Andrew E, Jovit Baldovino, Marco Sison, Claire dela Fuente, Victor Wood, April Boy Regino at ng buo niyang pamilya, anak, kapatid, apo na magpapamalas din ng kanilang galing sa pagkanta.
Maine napapanood na sa Kapamilya
Napapanood na sa mga programa sa TV at radyo ng ABS-CBN si Maine Mendoza para sa promosyon ng movie nila ni Carlo Aquino na Isa Pa with Feelings. Kampante naman ang Phenomenal Yaya Dub dahil bukas palad siyang wini-welcome ng mga host ng mga palabas at programa na kanilang pinupuntahan ng aktor. Enjoy ang tagapakinig ng programa nina Pat P Daza at Peter Musngi nang mag-guest sila ni Carlo sa programa ng dalawa sa DZMM. Nakita rin daw si Maine sa MYX. Sana makita rin siya sa iba pang popular na programa ng Kapamilya.
Pakikiramay…
Nakikiramay kami sa mga pamilya ng mga naulila nina Amalia Fuentes at Tony Mabesa. Sumalangit nawa ang kanilang kaluluwa.