Totoong-totoo ang naging deklarasyon ng isang sikat na male personality tungkol sa kasikatan. Kailangang namnamin ang panahong nasa ituktok ng tatsulok dahil baka kinabukasan ay wala na ang biyaya ng popularidad na ipinagkaloob sa kanya.
Kailangan ding marunong makisama ang artista, ugali ang unang pinapansin sa kanila bago ang bitbit nilang talento, dapat ding nakalapat sa lupa ang kanyang mga paa.
Naging punto ng pagpipista ang paksang ‘yun sa isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz, nanghihinayang ang marami sa kanila sa kinahinatnan ng magandang oportunidad na ibinigay sa isang sumikat na female personality, hawak na niya ay lumipad pa.
Kuwento ng isang source sa umpukan, “Napakaganda ng sorpresa ng kapalaran para sa kanya. Imagine, dati siyang tinitingnan nang napakababa ng mga tao dahil sa trabaho niya, pero sinuwerte siyang sumikat!
“Nakaalpas siya sa hindi kagandahang image na meron siya, kinalimutan ‘yun ng mga tao, dahil in fairness, e, may talent naman talaga siya at napakalakas ng loob niya!
“’Yung mga hindi kayang gawin ng ibang kasabayan niya, e, pinasok ng girl, talagang sumikad nang paitaas ang career niya! At hindi lang ‘yun, nabigyan pa siya ng chance na makapag-host, di ba naman napakasuwerte niya!” seryosong paglilitanya ng impormante.
May mga naipundar na properties ang female personality, namuhay nang marangya ang kanyang pamilya, pero sa bandang huli ay hindi niya kinayang hawakan ang kanyang popularidad.
Patuloy ng source, “Yumabang siya nang todo! ‘Yung para bang kanyang-kanya lang ang mundo at bawat magustuhan niya, e, kailangang mangyari, dahil sikat na sikat nga siya!
“Humaba ang sungay niya, kinalaban niya pati ang mga taong milagro ang ginawa sa career niya, walang habas na paninira sa mga kapwa niya artista ang lumalabas sa bibig niya!
“At ang pinakamatindi, nagbisyo ang female personality. Hanggang sa one day, nagising na lang siya sa katotohanan na wala na ang mga naipundar niya, wala na rin ang mahahalagang tao sa buhay niya, bagsak ang kanyang career!
“Nand’yan pa rin naman siya, nagbago na raw siya, nakakaawa nga siya dahil pabarya-barya na lang ang talent fee niya ngayon kumpara sa dating milyunan niyang tinatanggap!
“Sumubsob ang career niya dahil sa kayabangan at kawalan ng utang na loob. Tama, hindi natin hawak ang bukas, tulad ng nangyari sa sumikat na female personality na ‘yun, na inuna ang kayabangan!” madiing pagtatapos ng aming source.
Orig movie queen Amalia Fuentes at mahusay na actor-director Tony Mabesa magkasunod na namatay
Magkakambal na lungkot ang nararamdaman ngayon ng industriya dahil sa pagpanaw ng dalawang personalidad na mahabang panahong naging bahagi ng buhay ng mga Pinoy.
Pumanaw na ang Movie Queen na si Ms. Amalia Fuentes na kasabayan ng Movie Queen ding si Ms. Susan Roces. Mula nang magkasakit mula sa kanyang pagbabakasyon sa Korea ay hindi na nakabawi ang aktres sa kanyang kalusugan.
Kasama na niya ngayon sa kabilang buhay ang kaisa-isa at pinakamamahal niyang anak na si Liezl at ang ama nitong si Romeo Vasquez.
Isang payapang paglalakbay sa Movie Queen na ang kagandahan ay ikinukumpara sa banyagang aktres na si Sophia Loren.
Pumanaw na rin ang magaling na stage actor-director at nagkokontrabida sa pelikulang si Mr. Tony Mabesa. Nagluluksa ang mundo ng entablado sa kanyang pagkawala dahil napakalaki ng naiambag niya para mas kilalanin ng ating mga kababayan ang mga dulang pang-entablado.
Napansin lang naming na ikalawang pagkakataon na ito na kambal na pagpanaw ang nagaganap. Ang una ay ang sabayang pagkawala ng aming kaibigan-kapwa manunulat na si Isah Red at ng direktor na si Mr. Mel Chionglo.
Hangad namin ang mapayapang pagsasauli ni Direk Tony Mabesa ng kanyang hiram na buhay sa Maykapal. Nakikiramay po kami sa kanyang mga naulila.