ABS-CBN 20 milyon na ang youtube subscribers, franchise naka-pending pa

MANILA, Philippines — Uy parami nang paraming Pinoy ang nakatutok at nanonood ng balita, mga palabas, at mga paborito nilang stars online dahil umabot na pala sa higit sa 20 milyong Kapamilya ang naka-subscribe sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel —doble sa naitala nila last year na kinilala bilang kauna-unahang channel sa bansa na nagkamit ng 10 milyong subscribers.

Matapos nga sila gawaran noong 2018 ng YouTube ng Diamond Creator Award, na ibinibigay sa mga channel na may sampung milyong subscri­bers, ito na ang pangalawang most subscribed channel sa Southeast Asia kasunod ng Thai TV network na Workpoint. Bukod naman sa pagiging numero unong YouTube channel sa ‘Pinas, nakapasok na rin ang ABS-CBN Entertainment YouTube channel sa Top 50 most viewed YouTube channels sa buong mundo.

“Lubos ang pasasalamat namin sa 20 milyong Kapamilya na nakagawian nang araw-arawin ang panonood ng iba’t ibang uri ng content na inilalabas namin sa YouTube. Patunay lamang itong patuloy nilang sinusubaybayan ang aming mga programa, pelikula, Kapa­milya stars, at sari-saring videos hindi lang sa TV, kundi pati na sa aming online platforms. Gagawin namin itong inspirasyon sa pagpoprodus pa ng videos na gusto nilang panoorin at ulit-ulitin,” pahayag ni Elaine Uy-Casipit, ang head ng ABS-CBN digital media division.

Nitong Oktubre 2, mayroon nang 22 milyong subscribers ang naturang channel.

Ang ABS-CBN din ang nagmamay-ari ng ikalimang most subscribed channel sa bansa na ABS-CBN News, na ngayon ay nagtatala na ng 6.8 milyong subscribers at higit sa 4 bilyong views.

So kung ganyan na karami ang subscribers nila sa YT at sa iba pa nilang social media platforms, baka nga hindi na sila nag-iisip ng pinag-uusapan franchise nila?

As of presstime ay wala pa ring update kung nakapasa na ba sa Congress, Senate at kay Pangulong Digong ang nasabing franchise ng Kapamilya Network na mae-expire na sa March 2020. Ang nabasa ko : “Pending with the Committee on LEGISLATIVE FRANCHISES since 2019-07-23”.                                              

Show comments