Napanood ko si Jeremy Marquez sa Beautiful Justice at palagay ko, maganda ang ginawa niya na pagbabalik sa showbiz pagkatapos ng kandidatura niya noong May 2019.
Tulad ni Roderick Paulate, pahinga muna si Jeremy sa pulitika at binalikan niya ang pag-arte.
Naalala ko noong magkaroon ng presscon si Jeremy, humanga sa kanya si Isah Red dahil sa mga vision niya. Kagaya sa acting, timing din ang kailangan sa pagpasok sa politics, sa tamang panahon at wasto na pagkakataon.
Malay natin, makita rin ni Jeremy ang right path to tread on and get the things he really want, politics or showbiz. Well, Beautiful Justice is a good start, what’s next?
Hindi lamang ang pag-arte ang binalikan ni Jeremy dahil bumalik din siya sa school para lalong lumawak ang kaalaman niya tungkol sa public administration.
Ang ginawa ni Jeremy ay pagpapakita na walang edad na pinipili ang pag-aaral. Basta may ambisyon, go for it dahil ang edukasyon ang isang bagay na hindi puwedeng nakawin at angkinin ng ibang mga tao.
Si Jeremy ang good example na hindi pa huli ang lahat para sa lahat ng mga nangangarap na magkaroon ng college diploma at masteral degree.
Thea hindi nakikipagsiksikan sa pagbibida
Maganda ang role ni Thea Tolentino sa Madrasta, ang coming soon afternoon drama series ng GMA-7.
Talagang bagay kay Thea ang mga character role at tama nga na tawagin siya na batang Cherie Gil.
Maganda ang career path na ginawa ng GMA Artist Center para kay Thea dahil ang mga character role ang pinakamalaking pinto sa mga newcomer na ewan ko ba kung bakit gusto na magsiksikan sa lead role samantalang ang mga character role ang pinaka-challenging.
Madaling napapansin at talagang nagniningning ang mga career ng mga artista na gumaganap na kontrabida sa mga teleserye at pelikula.
Mula nang piliin ni Thea na mag-concentrate sa pagganap na kontrabida, hindi siya nawawalan ng mga television assignment. Sunud-sunod ang kanyang mga project at ang performance niya ang napapansin ng televiewers.
Siguradong mang-aagaw na naman ng eksena si Thea sa Madrasta dahil bongga ang kanyang contravida role sa afternoon prime na magsisimula sa October 7, 2019.
Mga magulang ni Derek gustung-gusto si Andrea
Ang suwerte talaga ni Andrea Torres kay Derek Ramsay dahil pinapatulan nito ang mga basher na bumabatikos sa kanyang girlfriend.
Inamin naman ni Derek na sumasagot siya sa mga basher, lalo na kung walang katotohanan ang kanilang mga paninira laban kay Andrea.
Tama ang ginagawa ni Derek na pagsagot at pagtutuwid sa maling akala kesa mabuhay sa maling paniniwala ang mga basher na feeling know it all pero nakikitsismis lang naman sa mga social media post ng mga artista.
Likas na gentleman si Derek kaya hindi nito hinahayaan na may maaapi at nilalait sa kanyang Instagram account. Karapatan niya na i-correct ang mga maling akala ng mga feeling entitled fans.
Samantala, boto kay Andrea Torres ang mga magulang ni Derek Ramsay.
Para sabihin ng nanay ni Derek na babae na may breeding si Andrea, tiyak na nakita niya ang good qualities ng girlfriend ng kanyang anak.