Dalawang cast ng bagong romcom series ng GMA-7 na One of the Baes ang ikakasal sa darating na December.
Si Joyce Ching ay nakatakda nang ikasal sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Kevin Alimon sa December 8.
Isang garden wedding daw ito na Christian ceremony at ilan sa mga taga-GMA-7 na tatayong principal sponsors ay sina Atty. Annette Gozon-Valdez, Joey Abacan, Vic del Rosario ng GMA Artist Center at si direk Gina Alajar.
Ang isa pa ay si Rodjun Cruz na sa December 21 naman ang church wedding kay Dianne Medina na gaganapin sa Manila Cathedral.
Sabi nga raw ni Joyce kay Rodjun, mabuti na lang at kasama sila sa One of the Baes, pandagdag din daw ito sa iniipon nila para sa pinaghahandaang kasal,
“Kaya nga po tinanggap namin talaga ni Rodjun to, nag-iipon po kami ngayon,” nakangiting pahayag ni Joyce nang nakatsikahan namin sa mediacon ng One of the Baes na magsisimula na sa September 30.
Sabi pa ni Joyce, kahit maging Mrs. Alimon na siya tuloy pa rin daw ang pag-aartista niya.
Ibinahagi naman ni Rodjun sa amin na ang ilang groomsmen daw sa kanyang kasal ay sina Alden Richards, Kristoffer Martin at Marco Alcaraz. Bestmen daw ang dalawa niyang kapatid na sina Rayver at Omar.
Sayang lang daw dahil wala na ang kanyang ina na matagal na raw niyang gustong magpakasal sila ni Dianne.
“Looking forward talaga si Mama dun sa wedding namin ni Dianne,” pahayag niya.
Samantala, nabalitaan na rin naming nagpapadala na raw si Angel Locsin ng Save the Date sa wedding nila ni Neil Arce.
Pero hindi pa raw nakasaad kung saan at ang ilan pang detalye ng kasal.
Ejay Reservist na rin!
Tatahi-tahimik lang si Ejay Falcon, isa na pala siyang Reservist sa Philippine Air Force.
Actually, nauna na sa pagka-Reservist noon si Christopher de Leon sa Philippine Navy at sumunod din si Dingdong Dantes.
Kuwento ni Ejay, nung ginawa raw nila ni Coco Martin sa Maalaala Mo Kaya ang kuwento tungkol sa SAF, dumaan daw sila sa military training ng dalawang araw.
Nagustuhan daw niya ang training at nakipag-bonding daw siya sa ilang miyembro ng SAF. “Pagkatapos ng MMK namin, parang nagkaroon ako ng sepanx sa mga kasama ko kasi nakakuwentuhan ko sila.
“Sabi ko ang sarap pala maging sundalo. Hindi ko alam kung naka-relate ako sa buhay nila nung time na yun,” saad ni Ejay.
Kaya ipinost daw niya sa Instagram account niya na parang gusto niyang mag-training sa military.
May kumontak daw sa kanya sa Philippine Air Force, para alukin kung gusto nitong mag-training.
Nakipag-meeting daw siya at ipinaliwanag daw sa kanya kung ano ang gagawin niya.
Kailangan lang daw kumpletuhin niya ang 30 days na training, puwede na siyang maging Reservist.
Mabuti at naisingit daw niya sa schedule, kaya nag-graduate siya kamakailan lang na dinaluhan pa nga raw ni Matteo Guidicelli.
Kaya proud ang Kapamilya actor sa tawag sa kanyang Sgt. Ejay Falcon.
Ang dami raw niyang natutunan at alam daw niya kung ano talaga ang nararamdaman ng isang sundalo.
“Iba kasi ang disiplina nila. Saka very dedicated sila sa trabaho, yung pagmamahal nila sa bayan. Iba talaga ang disiplina nila pag nasa trabaho.
“Pag nandun ako, hindi naman OA, pero nakikita mo yung pagmamahal nila sa bayan,” sabi ni Ejay.
Ang isa pang ipinagmamalaki ni Ejay ay puwede raw siyang tumulong sa mga rescue team kung sakaling may sakuna o trahedyang dumating.
Kaya natutuwa si Ejay dahil sa pagkasundalo niya napapasabak siya sa mga action scenes sa bagong teleserye niyang Sandugo kasama si Aljur Abrenica.
Mapapanood na ito sa September 30 sa timeslot ng katatapos lang na Los Bastardos.