Nagkita sa presscon ang aktor na isa sa mga bida ng pelikula at ang talent manager na tumulong sa actor noong nagsisimula pa lang ito. Hinintay ng mga reporter na kaibigan ng talent manager na lapitan siya ng actor at kumustahin man lang.
Nagkasakit kasi ang talent manager pero hindi man lang siya kinumusta ng actor. Sumama ang loob ng talent manager kahit papaano dahil may naitulong naman siya sa aktor kung tutuusin. Pero ni sumilip sa ospital at sa bahay ng talent manager, hindi ito ginawa ng actor.
Sa presscon ng pelikula ng actor lang uli nagkita ang actor at talent manager at sadyang matigas ang puso ng actor dahil hanggang natapos ang presscon at nakaalis ang talent manager, hindi niya nilapitan para batiin. Siya ang dapat lumapit dahil mas bata siya sa former manager niya.
Joyce at Rodjun magkasunod ang kasal
Dalawa sa cast ng “millennial fairy tale” ng GMA 7 na One of the Baes ang magkasunod na ikakasal sa December.
Mauuna ikasal si Joyce Ching sa fiance niyang si Kevin Alimon sa December 8. Garden wedding at Christian wedding sa Baguio Country Club.
Sa Dec. 21, ang church wedding nina Rodjun Cruz at Dianne Medina sa Manila Cathedral at ang reception ay sa Sofitel Hotel.
Kaya ang laki ng pasasalamat nina Joyce at Rodjun sa pagdating ng offer ng One of the Baes dahil ang talent fee nila ay malaking tulong sa panggastos sa kanilang kasal.
Kontrabida na naman ang role ni Joyce, ang kaibahan lang, pang-comedy ang atake niya sa role, kaya sa halip na kainisan, matatawa pa sa kanya ang televiewers.
Masaya naman si Rodjun sa kanyang role sa One of the Baes dahil opportunity na niyang ipakita ang versatility niya at chance na makatrabaho ang pinapanood lang niya dati na sina Roderick Paulate, Jestoni Alarcon at Amy Austria.
Sa September 30, ang world premiere ng One of the Baes sa direction nina King Baco at Michael Christian Cardoz.
Nabanggit ni Rodjun sina Alden Richards, Marco Alcaraz at Kristoffer Martin na kasama sa entourage. Ang mga kapatid na sina Omar at Rayver Cruz ang kanyang Best Men.
Nalulungkot at nanghihinayang si Rodjun na hindi naabutan ng mom niya ang wedding nila ni Dianne.
Black Lipstick, reboot ng Blusang itim ni Snooky
Mahusay na director si Julius Alfonso at isa sa ginawa nito ang Deadma Walking. Kaya may tiwala ang Obra Cinema na magugustuhan ng moviegoers ang Black Lipstick na launching movie ni Kyline Alcantara. Showing sa October 9, ang pelikula ay parang millennial reboot ng Blusang Itim ni Snooky.
Umaasa ang Obra Cinema na ang nagawa ng Blusang Itim kay Snooky ay magawa kay Kyline, sumikat ang young actress hindi lang sa telebisyon, pati na sa pelikula.
Inamin ni Kyline na kinakabahan siya sa magiging outcome sa box office ng movie dahil first movie nga niya. Kaya, masipag sila nina Migo Adecer, Manolo Pedrosa, Kate Valdez at ibang cast na mag-mall show. Pati nga sa Net25 nag-guest sina Kyline to promote the movie.