MANILA, Philippines — Kahit matagal nang wala sa ere, napapansin pa rin ang Wildflower ni Maja Salvador sa abroad.
Ito ang nag-iisang palabas mula sa Pilipinas na nominado bilang Best Asian Drama sa 1st Asia Contents Awards na gaganapin sa Busan, South Korea sa October 6.
Makikipagsabayan nga ang serye ni Maja sa mga naglalakihang palabas mula sa South Korea, China, Japan, Hong Kong, Taiwan at ASEAN countries na Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Brunei, Vietnam, Laos, Myanmar at Cambodia.
Layunin ng 1st Asia Contents Awards na bigyang parangal ang mga dekalibreng seryeng likha mula sa iba’t ibang Asian countries sa nakalipas na limang taon. Ang award-giving body ay inorganisa ng respetadong film festival na Busan International Film Festival at Asian Film Market, isang taunang film market sa South Korea.
Bukod sa nominasyon, patuloy ang pamamayagpag ng Wildflower sa ibang bansa ngayong napapanood na rin ito sa tatlong French-speaking countries na New Caledonia, Polynesia, at Reunion matapos ang partnership ng ABS-CBN at Ampersand Fiction, isang French content distributor.
Tinututukan din ang serye sa French-speaking African countries at inaasahang mapapanood na rin sa Madagascar ngayong Oktubre matapos naman ang deal ng ABS-CBN sa Startimes.
Kinapitan ang kwento ng Wildflower na umere ng isang taon sa ABS-CBN dahil sa bida nitong si Ivy Aguas/Lily Cruz na naging simbolo ng katapangan ng mga babae sa pagbibigay hustisya niya sa mga naaapi at pagpapabagsak sa pamilya Ardiente.