Alaga daw ng organizer Miss World winners kinukuwestiyon!

Isabelle de Leon

Wagi ang ilang Kapuso stars nung nakaraang Linggo ng gabi sa halos magkakasabay na events sa magkakaibang venue.

Si Michelle Dee ng Love You Two ang kinoronahang Miss World-Philippines 2019 na ginanap sa Araneta Coliseum.

Humakot pa si Michelle ng napakaraming special awards mula sa kanilang sponsors.

Lalaban si Michelle sa Miss World sa London sa darating na December 14.

Wagi ring bilang Ms. Eco-International ang isa ring alaga ng GMA Artist Center na si Kelley Day.

Ang pagkakaalam ko dating girlfriend ni Migo Adecer si Kelly, pero nasa Starstruck Finals naman ang binata nung gabing iyun.

Napili ring Ms. Multinational-Philippines ang dating child actress na si Isabelle de Leon.

Sa 12 finalists, si Isabelle ang isa sa pinakamagaling sumagot sa question and answer portion. Kaya nga siguro may nakuha siyang title kahit isa siya sa pinakamaliit na kandidata.

Siya nga ang pinag-initan ng ilang talent agents na may dala-dalang kandidata dahil paano raw maging beauty queen ang 5’3” lang ang height?

Kung pagalingan daw sa question and answer portion, eh di sana sa Ms. Q&A na lang daw sumali, pagtataray ng ilang bitter talent agents.

Pero marami namang may karapatan ding magka-title, pero si Isabelle ang napili. Naiintriga lang dahil isa ito sa mga alaga ng talent agency ni Arnold Vegafria na national director ng naturang beauty competition.

Si Michelle din ay alaga rin ni Arnold pero may karapatan namang magka-title itong anak nina Melanie Marquez at Derek Dee.

Hindi naaalis na namamalisyahan ang pagkapanalo ni Isabelle dahil hindi nga raw siya pang-beauty queen. Isa lang siya sa mga artista sa ALV Talent Circuit ni Arnold Vegafria.

Martin payag uling mag-mujer

Ang Kapuso actor ding si Martin del Rosario ang nagwaging Best Actor sa Gabi ng Parangal at Pasasalamat ng Pista ng Pelikulang Pilipino na ginanap naman sa One Esplanade nung Linggo ng gabi din.

Nagwagi si Martin sa pelikulang Panti Sisters na nakipagtagisan din nang galing sa pag-arte kina Paolo Ballesteros at Christian Bables.

Paulit-ulit na sinasabi ni Martin na ka-share niya sa award na iyun sina Paolo at Christian, na naging close na rin sa kanya. Sa awards night ng PPP ay naibahagi na rin nina Martin at Paolo na pinag-iisipan na raw nina direk Jun Lana na gawan ng part two ang Panti Sisters.

Puwede naman talagang magka-sequel lalo na’t nag-hit naman ito sa takilya.

Hindi lang alam kung ano ang partisipasyon ni Martin sa part two dahil nategi siya dito sa Panti Sisters.

Samantala, okay lang daw kay Martin kung mabibigyan pa siya uli ng mga gay roles, iyung magmu-mujer talaga siya. “Hindi ako papaapekto sa mga sinasabi ng mga tao sa akin kasi sa Hollywood nga ang daming gumagawa ng ganyang roles, wala namang isyu.

“Ako I want to show them that I’m a versatile actor. Right now. I’m doing The Gift, dito major kontrabida ako at ibang-iba.

“Ganun lang yun, part iyun ng pagiging aktor na gawin mo kung ano ang ibigay sa yo,” saad ni Martin.

Hindi nga lang daw niya kaya ang mag-make up ng sarili, hindi kagaya ni Paolo na kering-kering ayusan ang sarili para magmukhang girl.

Kim at Shayne hindi na hirap sa pera!

Tama nga ang hula ng karamihang magwawagi sa katatapos na Starstruck sina Kim de Leon at Shayne Sava.

Sila naman talaga ang malakas sa council pati sa boto ng fans.

Halos hindi na makatayo na parang aatakehin sa sobrang tuwa ang lola ni Shayne nang tawagin siyang Ultimate Female Survivor.

Noon pa man ay sinasabi na ni Shayne na lahat na tagumpay niya, ang lahat na napanalunan niya ay para sa kanyang pamilya.

Hindi na raw mangyayari yung kinakapos sila ng pamasahe mula sa bahay nila sa Binangonan, Rizal papuntang GMA 7. Ang pangako nga raw niya sa kanyang pamilya lalo na sa lola niya ay ililipat na niya ng bahay at hindi na sila maninirahan sa dorm.

Si Kim de Leon naman ang masyadong emotional pagkatapos siyang tawaging Ultimate Male Survivor.

Inaamin niyang sobrang hirap na raw talaga sila na binabalak na raw ng magulang niyang ibenta na ang bahay nila sa Batangas.

Maluha-luhang pahayag ni Kim; “Hindi na po kami magtitiis sa maliit na tinitirhan na inuupahan na dorm.

“Hindi na rin po matutuloy ang pagbenta ng bahay namin sa Batangas.

Makakatulong po talaga to. “Ayaw ko po kasi sana ipabenta, kaya lang kailangan na kailangan na po talaga. Ngayon po mas mapapaganda pa po siguro.”

Si Kim pala ay scholar dati ng AMA Educational System sa Makati, pero tumigil ito dahil hindi rin daw niya kaya ang ibang gastusin.

Kaya inaalok ng AMA ngayon sa kanya na ibalik sa kanya ang scholarship kahit online lang para matapos niya ang kanyang pag-aaral.

Show comments