'Catriona Waze': Miss Universe bagong boses sa likod ng navigation app

"So... nasa Waze na ako," sabi ni Catriona sa Inggles sa kanyang Instagram account noong Linggo.
Instagram/Catriona Gray

MANILA, Philippines — Sawa ka na ba sa boses na naririnig sa iyong phone navigation app? Fan ka ba ng beauty pageants? Pagkakataon mo na ito.

Nitong weekend kasi, maaari nang ma-download sa site ng "Waze" ang boses ng 2018 Miss Universe na si Catriona Gray.

Si Catriona ang unang Filipino celebrity voice na maririnig sa nasabing aplikasyon habang binabaybay ang samu't saring kalye ng Pilipinas.

"So... nasa Waze na ako," sabi ni Catriona sa Inggles sa kanyang Instagram account noong Linggo.

 

 

"Tutulungan ko kayong mahanap ang inyong daraanan at gagawin nating mas masaya ang inyong paglalakbay."

Gayunpaman, hindi pa kasama rito ang pangalan ng mga kalsada at mas pagdidikta pa lang ng direksyon at lilikuan ang lalamanin, ayon sa ulat ng Top Gear Philippines.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksyon sa social media.

Ayon kay Binibining Pilipinas 2016 Nicole Cordoves, mahusay ang rehistro ng kanyang boses at masarap pakinggan.

"Sa perfect ng pitch mo, okay lang kahit magsalita ka nang magsalita habang naiipit kami sa trapik," sabi ng kapwa niya beauty queen sa comments section.

Ang iba naman, tila gusto nang tumagal sa kalye marinig lang ang boses ni Catriona.

"Sh*t! Ngayon ko lang ginusto matraffic ng matraffic ????????," sabi ng Insta user na si Arys Sanvicente.

"Sinubukan namin kahapon... Dapat niyong antayin hanggang makaabot kayo ng inyong destination para marinig si Cat," paliwanag naman ng isang Mauee Defante.

Ikinalungkot din ng ilan na hindi ito available para sa ibang Waze users abroad. 

Maaaring ma-download ang kanyang boses para sa inyong app dito.

Show comments