Gaya nang inaasahan, nanguna sa takilya ang pelikulang Panti Sisters nina Paolo Ballesteros, Martin del Rosario at Christian Bables sa sampung pelikulang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino na nagbukas nung nakaraang Friday the 13th.
Ayon sa aming source, naka-13M ito sa first day of showing at sumunod ang Open nina Arci Muñoz at JC Santos na naka-2.2M at 1.5M naman daw ang Cuddle Weather nina Sue Ramirez at RK Bagatsing.
Ang Cuddle Weather pa lang ang napanood ko at okay na okay sa amin ang akting ng dalawang bida.
Posible kayang mapanalunan nila ang acting awards sa gaganaping awards night ng PPP sa Esplanade One mamayang gabi?
Pero marami pang magagaling at magagandang pelikula kaya tingnan natin kung mapansin ang Cuddle Weather.
So far, iyun lang ang tatlong pelikulang nabanggit ang naka-more than 1M sa takilya nung opening day.
Ewan ko lang kung makakahabol pa ang I’m Ellenya L, LSS, G! at Watch Me Kill na sumusunod sa tatlong pelikulang ito.
Unfortunately, mukhang mahirap talagang makalaban pa ang pelikula ng mga senior star na Circa, Lola Igna at Pagbalik.
Inaasahang malagpasan ngayong PPP ang box-office record nung nakaraang taon na naka-117M lamang.
Maganda naman ang promo nila ngayon at maaga silang nagsimula, kaya sana nga maganda ang kalalabasan nito ngayong taon.
Sabi naman ni FDCP Chairperson Liza Diño, hanggang September 19 pa ang PPP, pero tiyak na may natitira pang sinehan ang tatlong topgrossers.
Baron, hulog ng Diyos ang tingin sa asawa
Bago pa pala dumalo si Baron Geisler sa nakaraang Sine Sandaan ng FDCP na ginanap sa New Frontier nung nakaraang Huwebes, nagpakasal pala sila ng fiancée niyang si Jamie Marie Evangelista nung alas-onse ng umaga ng araw na iyun.
Ginanap ang simpleng kasalan sa sala ni Judge Arthur Malabaguio ng Quezon City Hall.
Nung Biyernes lamang nila ibinahagi sa kanilang Facebook account ang kasalang iyun.
Nakipag-chat kaagad kami kay Baron at sabi niya; “Got the very special rings from AMI jewels located in Greenhills. Mabigat yung rings.”
Matagal daw niyang pinag-ipunan ang platinum ring na iyun, at mabuti na lang binigyan daw siya ng magandang deal ng kaibigan niyang may-ari ng jewelry store sa Greenhills.
Naka-engrave sa singsing ang “Matthew 19:6 Baron & Jamie” na ibig sabihin; “So they are no longer two but one flesh.”
Iyun din ang ipinost ni Jamie sa kanyang FB account.
Sabi pa ni Baron; “Actually, she’s God’s gift to me talaga.
“I am very blessed to have her in my life, kasi, I am not perfect. I am God’s work in progress.
“But I am striving to be the best version of myself. And without God by my side, and without her, I cannot make it.”
Inaasahang tuluy-tuloy na ang pagbabago ni Baron sa pagpapakasal niyang ito.
Bukod sa civil wedding, itutuloy pa rin daw nila ang pinaghahandaan talaga nilang wedding ceremony next year dahil gusto raw nilang makadalo ang ina at ang kapatid ni Jamie na nakabase sa Amerika.
Nakalimutan na tuloy ang isyung fake daw ang pagka-Datu ni Baron na ibinigay ng nagpakilalang royal family.
Sinagot naman ito ng aktor sa nakaraang Sine Sandaan, at pinabulaanan nila ito. Ipinaliwanag ng royal couple na sumama sa kanya na totoo ang honorary title na ibinigay kay Baron.
Ayaw na lang patulan pa ito ni Baron, dahil mas naka-focus daw sila sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos.
Starstruck finalist kanya-kanya na ng plano
Mamayang gabi na huhusgahan ang Final Four ng StarStruck 7, kung sino ang tatanghaling Ultimate Male and Female Survivor.
Si Allen Ansay ang hula ng iba na todo ang suporta ng mga taga-Camarines Sur.
Pero ang mapabilang sa StarStruck ay malaking bagay na raw sa kanya.
Ang wish nga niya ay makatrabaho si Dingdong Dantes, na mala-action daw sana.
Malakas din ang Batangeñong si Kim de Leon dahil nitong mga nakaraang linggo at mga artista tests na pinagdaanan nila, puring-puri siya ng StarStruck Council na sina Heart Evangelista, Jose Manalo at Cherie Gil.
Matindi rin ang labanan sa mga girls.
Humingi ng tulong si Lexi Gonzales kay Mayor Isko Moreno.
Kapag manalo raw siya, gustong tulungan ni Lexi ang 21-year old na si Michael na taga-Sampaloc dahil bed-ridden na raw. Pero manalo o matalo, gustong karerin ni Lexi ang maging kontrabida.
Paborito naman namin itong taga-Binangonan, Rizal na si Shane Sava.
Pambida talaga ang ganda niya na ma-groom lang nang maayos, puwede niyang makuha ang charm ni Kathryn Bernardo.