MANILA, Philippines — Tuloy ang G Diaries sa ABS-CBN na sinimulan ng namayapang si Ms. Gina Lopez na nasa ika-apat na season na ngayong Linggo (Setyembre 15) bago mag ASAP Natin ‘To.
Ngayong season, ibabahagi ng 30-minutong programa ang kwento ng mga natulungan ng ABS-CBN Foundation na kapupulutan ng inspirasyon. Makakasama rin ang mga kilalang personalidad na ba-biyahe sakay ng Share the Love bus upang makasama at makita ang buhay ng mga Pilipino sa iba-ibang komunidad.
Mistulang “public service on wheels” ang “Share The Love” bus dahil maghahatid rin ito ng tulong para sa mga nangangailangan tulad ng “Gusto Kong Mag-aral” bags para sa mga estudyanteng walang gamit sa eskwela, soup kitchen na may dalang mainit na pagkain, mga pananim, at iba pa, kasama ang mga volunteer.
Para ipagpatuloy ang nasimulan ni Gina sa premyadong palabas, makakasama sa programa ang kapatid niyang si Ernie Lopez, na magbabahagi ng mga kwento ng pag-asa at pagbabago ng mga Pilipino.
“No one can take her place. Pero hindi ibig sabihin that we should quit. Hindi natin pwedeng itigil ang mission niya to share the love. So Gina, sa tulong ng Diyos, at sa biyaya ng Panginoon, kami na ang bahala to continue to share the love,” sabi ni Ernie, na nagsisilbi ring pinuno ng Creative Programs Inc., isang kumpanya sa ilalim ng ABS-CBN.
Tampok din sa G Diaries ang mga nagawang proyekto para sa mga naapektuhan ng Bagyong Yolanda sa pagbisita sa mga taong natulungan nito sa nakaraang anim na taon. Taong 2017 nang unang ipalabas ang G Diaries na layuning iangat ang buhay ng mga nasa laylayan ng lipunan sa pagpapakita ng kanilang magagandang likas na yaman at kung paano nila ginagamit at iniingatan ito upang umunlad ang kanilang komunidad.
Panoorin ang G Diaries Season 4 Share the Love sa ABS-CBN Channel 2 tuwing Linggo ng 10:15 am.