MANILA, Philippines — Sa ginanap na event na Voices of Hope: Winning vs Lung Cancer ng MSD Philippines, ikinuwento ni Fr. Jerry Orbos kung paano aksidente niyang nadiskubre na meron siyang lung cancer.
Nang magkaroon ng vehicular accident si Fr. Jerry kasama ang tatlo pang pari, nagpabalik-balik siya sa ospital. Pinayuhan daw siya ng kanyang doctor na mag magpa-CT scan. Clear naman ang kanyang abdomen pero sa kanyang lungs ay may nakitang 1.5 cms nodule.
Hindi naman pinalad ang stage IV cancer patient na si Tetit Melendres-Aristan. Nagsimula lang sa simpleng ubo ang sintomas ng kanyang sakit. Binigyan siya ng mga gamot pero hindi bumubuti ang kanyang kalagayan kaya nagpasya siyang kumunsulta sa ibang doctor at dun na nga niya napag-alaman na mayroon siyang cancer.
“We normally detect the disease at its later stages. That’s why it’s important for people to know the symptoms early on, and don’t take them for granted,” sabi ni Dr. Meredith Garcia, medical oncologist.
Ilan lamang ito sa mga napag-usapan sa naturang forum kung saan pawang Hope From Within ambassadors sina Fr. Jerry, Tetith, Dr. Meredith at ang dating actor na si Diego Castro. Nagtipun-tipon sa nasabing event ang ilang lung cancer patients, lung cancer survivors, caregivers, specialist physicians, representatives mula sa iba’t ibang medical societies, mga ospital at ilang government agency sa Diamond Hotel para pag-usapan ang opportunities for improvement ng mga dumaranas ng lung cancer.
Bukod sa kanila, ambassador din ang actress sina Susan Africa (na may lung cancer ang mister) at Tirso Cruz III (stage 2 lung cancer survivor), pero hindi sila nakadalo sa nasabing event.
Taong 2016 lang nang mabuo ang Hope From Within na layuning mabigyan pa ng pag-asa ang mga nahihirapan sa cancer sa pamamagitan ng discussions at pakikipagtulungan na maaari nilang maibigay.
Noong 2018, umabot na sa 17,255 ang mga bagong kaso ng lung cancer sa bansa, samantalang 15,454 naman ang bilang ng mga namatay na dahil dito.
Samantala, sa pamamagitan ng video na ipinadala ni Susan Africa, ibinahagi niya ang kanyang pinagdaanan habang inaalagaan ang asawang si Spanky Manikan na isa ring batikang aktor, na hindi rin pinaligtas ng lung cancer last year.
Noong nakaraang taon lang din pumanaw ang panganay na anak ni Tirso Cruz III na si TJ Cruz dahil din sa lung cancer na ikinalungkot ng lahat.
Sina Fr. Jerry Orbos at Tirso ay pawang mga survivor stage 2 lung cancer nagawa nilang agapan at labanan.
Pinapayuhan ang lahat na magpatingin kahit walang nararamdamang kakaiba sa ating mga katawan.
Ayon pa sa mga cancer ambassador at advocate, napakarami nang paraan para malunasan ito, basta’t huwag lamang mawawalan ng pag-asa.