Marian nahihiyang pag-usapan ang Descendants…

Seksi-seksihan na si Marian Rivera na humarap sa mediacon ng Tadhana kahapon.

Ipinagdiriwang na nila ang second anniversary ng naturang drama anthology na tumatalakay sa kuwento ng mga kababayan nating OFW sa ibang bansa.

Ang isa sa isyung sinagot ni Marian ay ang gusto ng fans nila na siya sana ang maging leading lady sa Descen­dants of the Sun ni Dingdong Dantes.

Iniiwasan na nga sana niyang pag-usapan ito dahil nakakahiya naman daw sa kung sino mang mapipili ng GMA-7 na leading lady ng asawa niya.

“Ang hirap magsalita tungkol sa show na yan.

“Baka mamaya, kawawa…may leading lady tapos pinu-push n’yo ako,” pakli ni Marian sa ginanap na media­con ng Tadhana sa GMA-7 kahapon.

Gusto naman daw niyang makasama uli sa trabaho si Dingdong, pero kung sa ngayon daw ay malabo talaga. “Paano yun, kaladkad ko si Ziggy sa taping. Tapos si Zia nag-aaral, ako hatid-sundo sa school.

“Tingnan natin.

“Minsan kasi mahirap magsabi na oo o hindi. Malay mo may project naman yung GMA para sa akin,” saad pa ni Marian.

Okay na raw munang nakabalik na siya ngayon sa Tadhana, at baka sa susunod na buwan ay babalik na raw siya sa Sunday PinaSaya.

“Pero sabi ko nga, gradual. Tadhana, tapos Sunday PinaSaya, and then after baka may isa pang show akong gawin, and malay mo baka soap opera uli,” dagdag niyang pahayag.

Bukas sa Tadhana, pagkatapos ng Hanggang sa Dulo ng Buhay Ko, tampok ang kuwento ng tatlong magkakaibigang OFW na nagtatrabaho sa Cyprus na kung saan nabiktima sila sa kaso ng serial killing. Tampok dito sina Rhian Ramos at Benjamin Alves.

Positive at inspiring naman ang pangalawang kuwentong ilalahad nila na tatalakay sa isang domestic helper sa Hong Kong na pinag-aral ng kanyang amo ng computer course. Bumalik siya ng bansa at naging CEO na ng isang BPO Company. Gagampanan ito ni Lovi Poe na matagal din siyang hindi napapanood na umaarte sa GMA-7.

Gathering para sa mga guro, santambak ang performers

Padagdag nang padagdag ang celebrities na volunteer sa Grand Ga­thering ng Gabay Guro na ginaganap nila sa SM MOA Arena taun-taon.

Ngayong taon ay malaking selebrasyon ang kanilang gagawin na gaganapin sa September 22 at mas maraming celebrities ang magpapasaya ngayon sa ating mga guro.

Halos regular nang kasali rito sina Regine Velasquez, Piolo Pascual at Gabby Concepcion na nagpapasaya sa mga guro na dumadalo sa gathe­ring na ito ng Gabay Guro. Pero sa September 22 ay mas marami ang magpapasaya na ilan sa kanila ay sina Martin Nievera, ZsaZsa Padilla, Pops Fernandez, Ian Veneracion, Christian Bautista, ang MayWard at mga talents ng Cornerstone na sina Erik Santos, Angeline Quinto, Moira dela Torre, K Brosas, at marami pa.

Ka-join din ang mga taga-Eat Bulaga na BakClash, Broadway Boys, at sina Jose Manalo and Wally Bayola na maghu-host ng naturang event kasama si Dimples Romana.

Mas marami silang premyong ipapa-raffle bukod sa house and lot at kotse ng Foton para sa mga masuwerteng guro.

Bukod sa training na ibinibigay nila sa mga teachers sa iba’t-ibang probinsya, nagbibigay rin sila ng mga entertainment doon kasama ang mga volunteers na celebrities na nagpapasaya sa mga guro.

Kuwento ng Gabay Guro Chairperson Ms. Chaye Cabal-Revilla, nakakatuwa raw ang kilalang stars na madalas na sumasali sa annual event nila dahil talagang isinisingit daw nila  ito sa kanilang schedule.

Show comments