Kim hindi pa alam kung bakit umayaw si Erich sa Love...
Kamakailan ay nakumpirmang si Yam Concepcion na ang pumalit kay Erich Gonzales para sa teleseryeng Love Thy Woman. Makakasama dapat ni Erich sina Kim Chiu at Xian Lim bilang mga pangunahing bida sa bagong proyekto.
Ayon kay Kim ay talagang ikinalungkot niya ang balitang hindi na magtutuloy si Erich sa serye. “Una nalungkot and hindi rin siya nakapagpaalam sa amin. Staff na lang nagsabi na wala na siya. So hindi ko rin inano kasi siyempre respeto na rin kung ‘yon ang gusto niyang mangyari or desisyon. Siyempre lahat kami hindi namin alam what really happened, kung ano ‘yung reason niya. Hindi pa kami nagkausap, as in wala pa talaga,” nakangiting pahayag ni Kim.
May bulung-bulungan na posibleng ang pagiging kontrabida ng karakter dapat ni Erich ang dahilan kaya umatras ang aktres sa serye. Gayun pa man ay excited na rin si Kim na makaeksena si Yam na ngayon lamang din makakatrabaho. “Si Yam excited din ako to work with her. Kasi napanood ko rin siya sa Halik and sobrang intense niya do’n. So mas macha-challenge ako in terms of acting namin,” pagtatapat ng aktres.
Samantala, masayang-masaya si Kim dahil ngayon lamang ulit nakatambal ang kasintahan sa isang serye. “I can’t wait na ipalabas. No’ng first time nga namin na magsama ulit nag-eksena kami ni Xian. Ang tagal na kasi hindi kami nag-eksena. So parang nakakapanibago. And nakaka-excite ‘yung kwento kasi Chinese. ‘Yung story din masaya, exciting. It’s something different. ‘Yung magugulat ka talaga sa mga mangyayari and excited ako na mapapanood na siya ng mga tao,” pagtatapos ng dalaga.
Rufa Mae, naranasang ma-bully ng mga kaibigan
Naibahagi ni Rufa Mae Quinto na madalas siyang nakararanas ng pambu-bully mula sa mga kasamahang artista noon. Ayon sa aktres ay basta na lamang siya pinagtatawanan ng ilang mga kakilala. “Lagi naman po akong gano’n. Ewan ko kung sino na nga ba ‘yung totoong friendship ko. Minsan hindi mapigil ng ibang tao ‘yung naiinggit. Ako kasi hindi ako nai-insecure, hindi ko naman iniisip na maganda ako. Basta ako gagalingan ko, magtatrabaho ako, kikita ako. Hindi ko sila inaaway sa TV. ‘Yung iba naman itsitsismis ka pa ng ganito, ganyan, kaya ako na-turn off,” nakangiting kwento ni Rufa Mae.
Ang pangunahing dahilan kung bakit napagtatawanan ang aktres ay ang pagsasalita nito ng ingles. Aminado naman si Rufa Mae na talagang kahinaan niya ito. “Kasi ‘yung mga ka-batch ko puro Fil-Am, ‘yung mga panahon na hirap na hirap akong mag-English. Hindi ako maka-English kaya parang inapi-api ako. Tapos may isang artista binully din ako. Pa-english-english siya, nakatingin lang ako sa kanya. Wala akong masabi kasi hindi ako marunong mag-English. No’ng una, hiyang-hiya din ako, kasi kahit mga kapatid ko tinutukso ako eh pero kinalimutan ko na ‘yon,” paglalahad niya.
Para kay Rufa Mae ay malaki rin ang naging epekto sa kanya nang pagbabasa ng mga negatibong komento sa social media. “Binabasa ko ‘yung mga comments eh mali pala ‘yon. Dapat hindi ko pala binasa kasi unti-unti akong na-hurt. Tapos bigla na lang ayoko nang mag-artista. Maraming salbahe eh, ang yabang-yabang nila. Kaya tingnan mo, wala na sila, bigla silang nawala, pumangit sila,” natatawang pahayag ng sexy actress.
(Reports from JCC)
- Latest